CA Justice Bruselas inireklamo sa SC

CA Justice Bruselas inireklamo sa SC

April 7, 2022 @ 12:00 PM 3 months ago


MANILA, philippines – Sinampahan ng kasong administratibo sa Korte Suprema si Court of Appeals (CA) Associate Justice Apolinario Bruselas Jr. dahil sa gross inefficiency matapos abutin ng ilang buwan na lagpas na sa reglementary period na itinakda sa Rules of Court bago ito magpalabas ng desisyon sa isang Writ of Habeas Corpus petition.

Sa 16 pahinang reklamo ni Pharmally Secretary Mohit Dargani sa SC-Judicial Integrity Board sinabi nito na malinaw na nilalabag ni Bruselas, bilang Presiding Justice ng CA 5th Division, ang New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary dahil sa kawalang aksyon sa isang petisyon.

Batay sa kaso, November 19, 2021 nang maghain si Dargani at kapatid nitong si Pharmally President Twinkle Dargani ng Writ of Habeas Corpus sa CA, kinuwestiyon ng dalawa ang paglabag sa kanilang constitutional right to liberty at due process matapos iutos ng Senate Blue Ribbon Committee na arestuhin at ikulong ito dahil sa contempt sa gitna ng isinasagawang Senate Inquiry sa Pharmally.

Nai-raffle ang kaso sa sala ni Justice Bruselas at noong Nobyembre 26 ay inatasan nito ang Office of the Solicitor General na magkomento sa kaso, ang mga komento ay natanggap ni Bruselas noong Disyembre 11, 2021 ngunit wala pa ring ipinalabas na desisyon ang appellate court.

Dahil sa kawalang aksyon ni Bruselas ay muling naghain ang kampo ng petitioner ng Motion to Resolve the Petition noong Enero 12, 2022 na nasundan pa ng ikalawang Motion to Resolve Petition noong Pebrero 9, 2022 at ikatlo na Urgent Motion to Now Resolve Petition noong Pebrero 21,2022.

Marso 1, 2022 o makalipas ang 5 buwan nang magpalabas ng resolusyon ang CA 5th Division sa habeas corpus petition, sa dalawang pahinang desisyon na pinonente ni Bruselas at nilagdaan nina CA Justices Filomena Singh at Bonifacio Pascua ay “partially resolved” ang naging desisyon dahil hindi nito inaksyunan ang petisyon ni Mohit habang ibinasura ang mosyon ni Twinkle bilang moot and academic dahil napalaya na ito ng Senado noong Enero bilang humanitarian consideration.

Dahil walang desisyon sa kanyang petisyon ay naghain ng Motion for Partial Reconsideration ang kampo ni Mohit sa CA noong Marso 14, 2022 na humihiling na desisyunan ang kanyang kaso subalit hindi pa rin ito nireresolba hanggang sa kasalukuyan.

Si Mohit ay patuloy na nakapiit sa Pasay City Jail at wala ring kasong naisasampa pa laban dito.

Iginiit ni Mohit na malinaw na nagkaroon ng paglabag sa tungkulin si Bruselas nang upuan nito ang isang urgent petition,itinatakda sa Internal Rules of Court of Appeals na prayoridad na dinedesisyunan ang mga habeas corpus cases subalit taliwas ito sa kanyang karanasan.

“In not given due consideration to the urgency of the petition of habeas corpus, the motions and other pleadings and his inaction on the petition despite the lapse of 5 months, Justice Bruselas is guilty of violating Section 5 of Canon Law( Competence and Diligence)” nakasaad sa petisyon.

Inakusahan din nito si Bruselas ng pagiging bias dahil sa naging pagtrato nito sa kanyang petisyon.

“it is not unreasonable now to entertain serious doubts on the impartiality of Justice Bruselas. The manner by which my petition is being ignored has eroded my faith in the judicial system. I now harbor a well-founded fear that Justice Bruselas will not resolve my petition in accordance with law”nakasaad sa petisyon ni Mohit.

Hiniling nito na mag inhibit si Justice Bruselas sa kanyang inihaing Motion for Inhibition.

Ang habeas corpus petition ay ginagarantiya sa Konstitusyon, karapatan ito ng isang tao laban sa illegal o hindi makatarungang pagkakakulong sa bilangguan. RNT