CA minority leader dapat manggaling sa minority bloc ng Kamara, Senado – Pimentel

CA minority leader dapat manggaling sa minority bloc ng Kamara, Senado – Pimentel

August 30, 2022 @ 7:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Mistulang sinopla ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Senador Alan Peter Cayetano sa paniniwala nitong miyembro siya ng minority sa Senado, ngunit hindi kasama sa grupo nito at ni Senador Risa Hontiveros.

Sa pahayag, sinabi ni Pimentel, dapat manggaling sa minority bloc ng Mababang Kapulungan at Senado ang kakatawan bilang minority leader sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

Kamakailan, inihayag ni Cayetano na miyembro siya ng minorya sa Senado kasama ang kapatid nitong si Sen. Pia Cayetano dahil hindi sila bomoto pabor kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri matapos itong mahalal bilang minority leader ng CA.

Sa ginanap na plenary session ng Senado nitong Martes, iginiit ni Pimentel na apra sa “guidance ng susunod na Kongreso” ang posisyon ng minority bloc laban sa pagkakahalal ni Cayetano sa CA.

“Although the CA is a separate constitutional body, it cannot exist without the Senate and the House of Representatives. Hence, the concepts used in the Senate must be of similar meaning in the CA,” paliwanag ni Pimentel.

“The minority in the Senate, therefore, makes of record our position that the minority leader of the CA must come from the minority of either house of Congress,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, mahigpit na tinutulan ni Senador Risa Hontiveros ang pagkakahalal ni Cayetano sa CA saka ideneklarang “independent bloc” siya sa Senado. Kinatawan ng minority bloc sa Senado si Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na hindi niya kikilalanin ang pagkakahalal ni Cayetano bilang minority leader ng CA dahil masyadong malabnaw ang pagiging miyembro nito sa Senate minority bloc.

Aniya, hindi para sa sinumang indibiduwal ang kanyang posisyon pero dapat sundin ang Rules ng Senado at CA at para kumatawan sa partikular na papel.

Sa interview nitong Huwebes, iginiit ni Cayetano na bahagi siya ng “independent minority” pero hindi miyembro ng bloke o grupo nina Pimentel at Hontiveros.

Aniya, awtomatikong miyembro siya ng minorya dahil hindi siya bomoto pabor kay Zubiri.

Ngunit, iginiit ni Pimentel na dapat si Hontiveros ang kumatawan sa CA bilang miyembro ng Senate minority bloc.

Sa kanyang posisyon, sinabi ni Cayetano na dapat nang simulan na umusad mula sa isyu.

“Pero ang sinabi ko sa sarili ko, ano ba ang mas importante, ‘yung mga problema ng tao o problema kung sinong uupong minority leader sa CA? So I hope we can move on and start working on real issues rather than trying to divide the minority and divide the opposition,” ayon sa senador.

“I will not say anything negative anymore about her [Hontiveros] despite ‘yung mga nasabi niya, ang point ko lang, there are bigger fish in the ocean. There are real problems that we have to deal with,” giit niya.

Aniya, publiko ang masasaktan kundi makikipagtulungan si Hontiveros sa kanya.

“It is either we help each other sa Senado… so if you do not want to cooperate with us that is okay, pero hindi kami ang nasasaktan, ang tao ang nasasaktan,” giit niya. Ernie Reyes