CA: Pagsibak ni De Lima sa 2 NBI Deputy Director, iligal; balik-pwesto iniatas

CA: Pagsibak ni De Lima sa 2 NBI Deputy Director, iligal; balik-pwesto iniatas

October 12, 2022 @ 10:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinababalik ng Court of Appeals (CA) sa kanilang tungkulin bilang Deputy Directors ng National Bureau of Investigation sina Atty. Reynaldo Esmeralda at Atty. Ruel Lasala na sinibak noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ipinawalang-bisa ng CA ang utos ni dating Justice Sec. Leila de Lima at ang desisyon noon ng Office of the President na nag-alis kina Esmeralda at Lasala sa NBI.

Sa 24-pahinang desisyon na pinonente ni Associate Justice Mary Charlene Hernandez-Azura , ilegal ang pagsibak kina Esmeralda at Lasala sa NBI, noong March 2014.

Kasabay nito, ipinag-utos ng CA ang agarang “reinstatement” kina Esmeralda at Lasala bilang NBI Director III o Deputy Director, o katumbas na posisyon alinsunod sa Republic Act 10867.

Iniutos pa ng CA na agad bayaran ang “back wages”, sweldo, mga insentibo, benepisyo at iba pa nina Esmeralda at Lasala.

Sa panayam ng Super Radyo DZBB kay Esmeralda, itinuring niyang “vindication” ang CA ruling.

Proteksyon aniya ito ng mga taga-NBI at nasa Civil Service, laban sa anumang pag-abuso ng Executive Orders.

Inaalala pa ni Esmeralda na sinibak sila sa pwesto gayung walang kaso, walang imbestigasyon at wala ring hearing. Teresa Taveres