CA tinabla ang Ombudsman sa suspensyon vs Lipa Mayor Sabili

CA tinabla ang Ombudsman sa suspensyon vs Lipa Mayor Sabili

August 10, 2018 @ 3:14 PM 4 years ago


 

Lipa City – Pinigil ng Court of Appeals (CA) ang utos ng Office of the Ombudsman na suspindihin si Lipa City Mayor Meynard Sabili.

Sa apat-pahinang resolusyon na sinulat ni Associate  Justice Franchito Diamante at pinaboran nina Justices Edwin Sorongon at Maria Elisa Sempio Diy,  nagpalabas ng 60-araw na Temporary Restraining Order (TRO) ang CA sa itinuturing na isa sa mga “midnight decisions”  nang nagretirong si Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Nakasaad din sa resolusyon ng CA Special 4th Division, na may petsang August 9, 2018, na inatasan ang respondent na si Teresita T. Pesa, ang Office of the Ombudsman at ang Department of Interior and Local Government (DILG) na huwag ipatupad  ang suspensiyon laban kay Mayor Sabili.

Sa halip ay inatasan ng CA ang mga petitioner na maglatag ng P100,000.00.

Ang suspensiyon na inisyu ni Morales noong June 27, 2018 o sampung araw bago siya magretiro ay nag-ugat sa kinukuwestiyong paglilipat ng puwesto kay dating Lipa City Social Welfare Development Officer Teresita Pesa.

Katwiran naman ni Mayor Sabili na ang ginawang reshuffle ng mga opisyal at kawani ay layong malinis ang tanggapan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)