CAAP bukas sa imbestigasyon sa PH airspace shutdown

CAAP bukas sa imbestigasyon sa PH airspace shutdown

January 3, 2023 @ 4:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Martes na bukas ito sa Senate investigation sa aberya kamakailan sa air traffic control system ng bansa, na naging dahilan ng pagkaantala o pagkakansela ng daan-daang domestic at international flights nitong Bagong Taon.

Sinabi ni CAAP Deputy Director General Edgardo Diaz na handa silang makipag-usap sa mga senador ukol sa isyu at makikipagtulungan sa imbestigasyon.

“Kami ay nakahanda, we welcome all the inquiries na gagawin ng anumang sektor ng ating gobyerno, mapa-Senado o sa ating mga kasamahan sa gobyerno,” pahayag niya sa public briefing.

“Open kami diyan, we are willing to talk with them and to show them whatever they want. So nakahanda tayo diyan at wine-welcome natin ‘yan,” dagdag niya.

Samantala, sinabi rin ng CAAP nitong Martes na balik-normal na ang operasyon sa provincial airports na apektado ng ppagsasara ng Philippine airspace.

Hindi bababa sa 56,000 biyahero ang naapektuhan nang nakansela, na-divert o naantala ang 361 flights paalis at patungong Manila matapos ang power outages na dahilan ng shutdown ng air navigation facilities ng CAAP. RNT/SA