CAAP chief pina-inhibit ni Poe sa NAIA air traffic mess probe

CAAP chief pina-inhibit ni Poe sa NAIA air traffic mess probe

January 16, 2023 @ 7:42 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hiniling ni Senador Grace Poe kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) director general Manuel Antonio Tamayo na mag-inhibit sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang matiyak na walang kinikilingan ang ginagawang pagsusuri sa insidente.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na hindi maaaaring imbestigahan ang CAAP ang sarili nito kaya inaasahan nitong lilikha ng independent body na mag-iimbestiga sa insidente.

Hindi rin umano maaaaring lumahok si Captain Tamayo sa lupon at lahat ng sinumang opisyal nito.

“Pinagkakatiwalaan ko si (Department of Transportation) Secretary Jaime Bautista, matagal na sya sa private sector, iginagalang. Siguro, pwedeng magtalaga ng pwedeng mag-imbestiga na walang kinikilingan,” giit niya.

Sinabi ng senador na maaaaring isali sa independent body si dating CAAP director general William Hotchkiss at kinatawan ng association of civil aviation engineers na mag-iimbestiga sa insidente.

Naunang inihayag ng CAAP na naglunsad ito ng internal investigation sa naganap na technical glitch sa NAIA na nagpakansela sa biyahe at nakapagpaantala sa mahigit 56,000 pasahero.

Hinggil naman sa tanong na kung dapat magbitiw o mag-leave si Tamayo, sinabi ni Poe na nakasalalay ito sa hepe ng Depatment of Transportation (DOTr).

“Pero maaari sigurong magtalaga muna ng iba na talagang magaling ang magiging pamamalakad sa CAAP habang iniimbestigahan natin ito,” dagdag niya.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang naturang komite sa pamumuno ni Poe sa insidente pero hindi pa makapagbigay ng pinal na konklusiyon ang lupon.

“May mga proposal ‘yung iba nating kasamahan na dapat magkaroon muna ng executive session para ‘yung hindi nasabi sa hearing ay masabi ng iba na panatag sila,” aniya saka idinagdag na dapat magkaroon ng close-door meeting hinggil dito sa pagbubukas ng sesyon sa Enero 23.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, sinabi ni Poe na dapat asahan na magpapatuloy ang trabaho ng air traffic equipment ng paliparan upang maiwasan na maulit ang pangyayari at tiyakin ang kaligtasan at kumbenyente ng pasahero.

Dapat din umanong ikonsidera ng pamahalaan na itaas nag sahod ng air traffic controller na kanyang pinasalamatay sa inisyatibang komunikasyon sa ibang control tower upang ipagbigay alam ang pangyayari sa NAIA.

“‘Yung ating mga air traffic controller dapat maswelduhan nang sapat dahil nagsisialisan sila, pumupunta sa ibang bansa dahil mas mataas ang sweldo doon,” ani Poe. Ernie Reyes