CAAP: ‘Paglihis’ ng Cessna plane sa Albay, tatalupan

CAAP: ‘Paglihis’ ng Cessna plane sa Albay, tatalupan

February 25, 2023 @ 11:34 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Biyernes na isasama nito sa imbestigasyon ang posibilidad na lumihis mula sa flight path ang eroplano na bumagsak sa Albay.

Kinumpirma ng CAAP na namataan ang bumagsak na Cessna 340 sa isang no-fly zone sa Albay o sa bahagi ng himpapawid kung saan hindi pinapayagan ang pagpapalipad ng aircraft.

Ipinaliwanag nito na may umiiral na Notice to Airmen (NOTAM) sa lugar, na nangangahuluhan na inabisuhan ang mga piloto na iwasan ang paglapit sa bunganga ng bulkan dahil umiiral pa rin sa Mayon Volcano ang Alert Level 2. 

Natagpuan ng local search teams ang plane fragments tinatayang 350 metro mula sa crater, sa kanlurang slope ng Mayon Volcano. Umalis ang aircraft sa Bicol International Airport noong February 18 dakong alas-6:43 ng umaga at nakatakdang lumapag sa Manila ng alas-7:53 ng umaga.

“Pero napunta siya sa bandang kanan. So isa yan sa dapat malaman ng mga imbestigador kung bakit napunta sila dun sa particular area na yun na knowing na expert pilot ito at alam naman niya ang aming NOTAM. So lahat ng anggulo titignan namin ito kung what led him to that crash site,” pahayag ni CAAP spokesperson Eric Apolonio. 

“Iche-check yung radio messages, yung tinatawag nating connection nung aircraft dun sa ating tower at sa CNS-ATM natin through the responder. Isa yun sa very vital, malalaman natin kung bakit nag-deviate yan. Masusukat ng ating mga imbestigador yan. Kukuha yan pati weather factor yan kukuha ng data sa PAGASA para makuha nila kung bakit sila doon napunta,” ani Apolonio. 

Ayon sa CAAP, posibleng abutin ng ilang buwan ang imbestigasyon.

“Very scientific kasi yan itong AIIB (Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board) natin. Trained yan sa abroad. Science talaga ang pagi-imbestiga niyan. Hindi yung nakita mo lang ebidensya, eh yun na yun. Kailangan i-validate mo. Marami factors. Especially sa ganitong aksidente marami talaga – yung status ng maintenance ng engine ng eroplano, yung weather nung during that time na nangyari aksidente, yung piloto and yung kaniyang service record, there are a lot to consider. Kaya talagang minsan tumatagal minsan. Pero in this case iba itong nature ng aksidente. Hindi sumunod sa flight path,” paliwanag niya.

Sinabi rin ng regulatory agency na kailangan ng hiwalay na transport body para imbestigahan ang mga aksidente.

“Day 1 pa lang nung creation ng CAAP noong 2008, kasama na yan dapat yung regulation separate sa administration. Napakahirap na mag-iimbestiga ka na tao mo rin yung iimbestigahan mo. So dapat separate office para walang pagdududa ang publiko na walang nangyaring connivance or what na mapaganda ang report ng aksidente,” ani Apolonio. RNT/SA