CAAP: Walang natanggap ng distress alert mula sa nawawalang Cessna plane sa Isabela

CAAP: Walang natanggap ng distress alert mula sa nawawalang Cessna plane sa Isabela

January 30, 2023 @ 10:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Walang natukoy na “distress signal” mula sa nawawalang Cessna 206 sa araw na nawala ito sa Isabela, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ipinadadala ang distress signal sa aviation communication towers sakaling magkaaberya sa eroplano.

Kinumpirma ng CAAP confirmed nitong Linggo na hindi nagpadala ang Cessna 206 ng signal sa Philippines Communication Navigation Surveillance/Air Traffic Management System (CNS/ATM).

Inihayag ng aviation agency na isa ang pagsuri sa emergency locator transmitter (ELT) sa mga unang hakbang na ginawa nang ideklarang nawawala ang small aircraft.

Ang ELT ay isang equipment na nagsisilbing tracking device para sa small aircrafts gaya ng Cessna 206. Nagpapadala ito ng “distress signal” na pwedeng manually activated o automatically activated by impact.

“Maraming factor na kino-consider. Kasi ang ELT, pagbagsak niyan upon impact, tsaka naga-activate. Or kapag nahulog sa tubig naga-activate. We don’t know what really happened, na hindi ma-detect ang ELT,” paliwanag ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio.

Idineklara ng CAAP na nawawala ang Cessna 206 isang oras matapos lumipad patungong Cauayan Domestic Airport lampas alas-2 ng hapon nitong Jan. 24. Nakatakdang lumapag ang aircraft sa Maconacon airport, matapos ang dapat sana’y 30-minute flight.

“Nag-coordinate na kami sa HK mission control center dahil meron silang satellite capabilities at kapag may ganyang aberya dito sa Philippine air space, sila ang nagsasabi sa amin or naga-advice,” ani Apolonio. “But negative ‘yung kanilang information. Walang na-detect during the time of the crash. Kaya ang ginawa ng Hong Kong, refer it to Japan Mission Control. Pareho lang ng resulta. ‘Yung third attempt natin sa ating CNS ATM through radar naman, wala naman, negative rdn ang info at walang information during the crash.”

Sinabi ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na madali sanang mahahanap ang eroplano kyng nakapagpadala ang ELT ng Cessna 206 ng distress signal.

“Kung meron sana, mas mabilis nga sana. Pero hindi nag-activate. Hindi [klaro] kung bakit hindi nag-activate,” ayon kay Atty. Constante Foronda, Jr. RNT/SA