CAFGU, 1 pa todas sa NPA

CAFGU, 1 pa todas sa NPA

August 26, 2022 @ 10:15 AM 1 month ago


SIBAGAT, Agusan del Sur- PATAY ang isang kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) at chainsaw operator matapos silang pagbabarilin ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) kamakalawa sa bayang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Joregie Badao, CAFGU member at Arnel Daguim Gano, 40-anyos, chainsaw operator at kapwa residente sa Purok- 2, Barangay Kolambugan, Sibagat, Agusan Del Sur.

Batay sa report ng Sibagat-PNP, dakong 7:00 AM naganap ang krimen sa Purok 6, Barangay Kolambugan, Sibagat, Agusan Del Sur.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang mga biktima sa nasabing lugar kasama ang tatlong iba pa para magputol ng Falcata.

Habang nasa gitna ng pamumutol bigla na lamang dumating ang mga suspek sabay tinawag ang mga biktima at kinausap ang mga ito.

Ilang minuto ang makalipas, nakarinig na lamang ng mga putok ng baril ang tatlong kasama ng mga biktima may 10 metro ang layo mula sa kanilang kinaroroonan.

Agad nilang pinuntahan ang mga biktima at dito na nila nakitang nakabulagta ang mga ito at wala ng buhay sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Habang mabilis naman tumakas ang mga suspek na umano’y mga rebeldeng NPA sa ilalim ng Communist Terrorist Group na sakop SECOM 21 Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC.)

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen./Mary Anne Sapico