CAFGU member patay sa 4 terorista

CAFGU member patay sa 4 terorista

September 26, 2022 @ 12:20 PM 2 months ago


NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos tambangan at pagbabarilin ng apat na kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) nitong Sabado sa bayan ng Moises Padilla.

Kinilala ni Major Jovito Bose, hepe ng Moises Padilla police ang biktimang si Joselito Raboy, 40, kasapi ng Delta Company 62nd Infantry Battalion at residente ng Upper Mamballo, Barangay Quintin Remo ng nasabing bayan.

Batay sa report ng pulisya, dakong ala-1 ng hapon naganap ang krimen sa bulubunduking bahagi ng Sitio Bayabasan, Barangay Montilla, ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo pauwi na sana sa kanilang tahanan ng bigla na lamang siyang tambandang ng apat na suspek na armado ng baril.

Agad na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Sinabi pa ni Bose na kilala na nila ang mga suspek na pawang mga miyembro ng CTG Special Partisan Unit (Sparu) at inihahanda na nilang kasong isasampa laban mga ito. Mary Anne Sapico