Cagayan governor tutol sa planong EDCA site sa probinsya

Cagayan governor tutol sa planong EDCA site sa probinsya

February 6, 2023 @ 1:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi sang-ayon si Cagayan Governor Manuel Mamba na magtayo ng site para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa probinsya.

Ito ang sinabi ni Mamba nitong Lunes, Pebrero 6 matapos na ianunsyo ng Department of National Defense na magdaragdag ng apat na iba pang lugar na gagawing EDCA sites.

Bagama’t hindi pa pinapangalanan ang mga bagong EDCA sites, binanggit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Nobyembre 2022 ang dalawang lugar, isa sa Cagayan at tig-iisa sa Palawan, Zambales at Isabela kung saan posibleng itayo ang karagdagang joint military facilities kasama ang Estados Unidos.

Bagama’t hindi pa umano ipinaaalam sa kanya ang naturang plano, naniniwala si Mamba na tutol din ang mga Cagayanon para rito.

“Ako, I’ve not really consulted ‘yung constituents ko. Pero ako, it’s not welcome. Well, any foreign, sa akin, any foreign forces or foreign bases staying in our country, especially kung nuclear power sila, will always be a magnet also for nuclear power attack. We can’t afford to be ganon,” pahayag ng gobernador sa panayam ng DZBB.

“Kami, we are willing to die in field for our country and our province, but not with these foreign [people]. Why should we fight their battles and their wars?” dagdag niya.

Ayon sa DND noong Huwebes, Pebrero 2, ang mga bagong EDCA locations ay magpapabilis pa sa suporta sa oras ng humanitarian at climate-related disasters sa bansa.

Sa kabila nito, hindi umano naniniwala si Mamba na para lamang dito ang mga bagong EDCA site.

“Hindi po totoo. Kung Amerikano lang ang sasabihin, we already had two super typhoons… wala akong nakitang Amerikano na tumulong. Kayang kaya naman natin ‘yang disaster na ‘yan by ourselves,” aniya.

Kung babalikan, noong 2014 ay pinirmahan ang EDCA na nagbibigay pagkakataon sa tropang US na magkaroon ng access sa mga itinalagang military facilities ng Pilipinas, kasama ang pagtatayo ng pasilidad, paglalagay ng mga kagamitan, mga eroplano, barko, bagama’t hindi permanente. RNT/JGC