Cagayan inilagay na sa state of calamity sa bagyo

Cagayan inilagay na sa state of calamity sa bagyo

October 26, 2022 @ 7:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inilagay na sa state of calamity ang buong probinsya ng Cagayan dulot ng pinsalang naitala dahil sa pananalasa ng halos apat na magkakasunod na bagyo.

Sa pahayag na inilabas ng Cagayan Provincial Information Office nitong Martes, Oktubre 25 ay sinabi nito na inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan kasabay ng special session ang naturang anunsyo.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO), nasa 66,510 pamilya o 232,982 indibidwal ang apektado ng magkakasunod na bagyo tulad ng Florita, Maymay, Neneng at Odet na nagpabaha sa maraming lugar.

Dagdag pa rito, umabot naman sa P565,803,322 ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura; P78,399,000 naman sa imprastruktura at P4,018,118 sa livestocks.

Siniguro naman ni Bonifacio Cuarteros ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na patuloy silang nagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo. RNT/JGC