Cagayan naghahanda na sa pagbuhos ni Tropical Depression Neneng

Cagayan naghahanda na sa pagbuhos ni Tropical Depression Neneng

October 15, 2022 @ 4:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naghahanda na ang Cagayan sa pagbuhos ni Tropical Depression Neneng, habang patuloy na umaahon ang lalawigan mula sa pagbaha na dulot ni Maymay.

Sinabi ni Ruelie Rapsing, Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) na posibleng bahain muli ang lalawigan mula kay Tropical Depression Neneng sa nagbabadya nitong pagbuhos sa northern Luzon ngayong hapon o mamayang gabi.

Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, binaha ni Tropical Depression Maymay ang kabuuang 24 munisipalidad at mahigit 32,000 indibidwal bago ito humina bilang isang low pressure area.

“Nakararanas kami ng moderate to heavy rains sa buong downstream area ng Cagayan,” paglalahad ni Rapsing.

“Nag-subside na ang mga baha pero mukhang tataas na naman dahil malakas ang ulan sa downstream area,” dagdag niya.

Nakikipag-ugnayan na ang Task Force Lingkod Cagayan at PDRRMO sa MDRRMOs (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils) upang kumbinsihin ang LGUs na magsagawa ng preemptive evacuation.

Samantala, hindi pa tumataas ang leel ng tubig sa Cagayan River, at nananatiling bukas ang Magat Dam spillway.

Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Cagayan nitong Sabado ng umaga dahil kay Tropical Depression Neneng, ayon sa state weather bureau PAGASA. RNT/SA