Cagayan napuruhan sa bagyong Neneng, Maymay

Cagayan napuruhan sa bagyong Neneng, Maymay

October 17, 2022 @ 4:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Napuruhan ng dalawang magkasunod na bagyong Maymay at Neneng ang probinsya ng Cagayan.

Ito ay makaraang sabihin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes, Oktubre 17 na nasa mahigit 27,000 indibidwal ang apektado ng bagyong Neneng samantala nasa P532-milyon halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura naman ang iniwan ng bagyong Maymay.

Sa situational report ng NDRRMC, apektado ang nasa 7,519 pamilya o 27,914 indibidwal ng bagyong Neneng mula sa Cagayan Valley, Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.

199 pamilya o 721 indibidwal mula sa kabuuang bilang na ito, ang nanunuluyan sa 32 evacuation centers samantala 86 pamilya o 277 indibidwal ang tumutuloy muna sa bahay ng kaibigan o kamag-anak.

Binaha rin ang aabot sa 59 na lugar sa Cagayan dahil sa tuloy-tuloy na malakas na ulan at mayroon din na rain-induced landslide ang nangyari sa Barangay Parabba, Penablanca.

Nauna na ring ibinalita na inilagay na sa state of calamity ang bayan ng Santa Ana, Cagayan dahil sa malalang baha na naitala sa 15 barangay nito.

“Sobrang buhos ng ulan po. Considering na ang Sta. Ana ay may mga tributaries po, yung mga creeks na ang pinanggagalingan po ay bundok, bumaba po sa ilog namin,” sinabi ni Marion Miranda, pinuno ng Sta. Ana municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) sa panayam ng Teleradyo.

“Medyo marami na rin ang nakapag-ani kaya medyo kaunti na lang ang natirang palayan at kaunti rin ang nadamage pero ang mga naapektuhan po ay mga gulay at corn,” dagdag niya.

Nagsimula na ang NDRRMC sa pagtaya ng naging pinsala na dulot ng bagyong Neneng sa imprastruktura at agrikultura.

Samantala, iniulat din ng ahensya na umabot naman sa P532,960,858 halaga ng pinsala ang naitala sa Cagayan dulot ng bagyong Maymay noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng Cagayan provincial disaster risk reduction and management office (PDRRMO), ang pinsala sa imprastruktura ay umabot sa P516.2 milyon samantala ang nawala naman sa agrikultura ay tinatayang nasa P16,322,185. RNT/JGC