Cake, tinapay nagmahal na rin – grupo

Cake, tinapay nagmahal na rin – grupo

January 16, 2023 @ 5:07 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagmahal na rin pati ang presyo ng ilang tinapay at cake sa mga pamilihan dahil sa pagtaas ng presyo ng ilang sangkap sa paggawa nito katulad ng asukal at itlog.

Ito ang inihayag nitong Lunes, Enero 16 ng grupo ng mga panadero sa panayam ng TeleRadyo.

Ayon kay Asosasyon ng Panaderong Pilipino President Chito Chavez, partikular sa mga nagtaas ng presyo ay ang cake at pastries tulad ng mamon at ensaymada.

Ani Chavez, walang magagawa ang mga panadero dahil hindi naman nila maaaring bawasan ang gagamiting asukal at itlog sa paggawa nito dahil pangunahing sangkap sa paggawa ang mga nabanggit na produkto.

“Ang cakes and pastries po na ang pangunahing sangkap ay itlog at asukal, ito po ang talagang apektado,” sinabi ni Chavez.

“Hindi po ito puwedeng bawasan dahil ang itlog ay softener, siya pong nagpapalambot at siya pong nagpapaalsa ng cake. Ang asukal po, ‘pag sinamahan ng itlo,g ‘yan po ay aalsa ang ating mga cake,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, hindi pa naman umano apektado ang presyo ng pandesal ngunit nagbabala na posible ring tumaas ang presyo nito kung may maitatalang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing sangkap nito. RNT/JGC