CALAMITY ASSISTANCE BUKAS NA SA MGA SSS MEMBERS MULA SA ABRA AT MOUNTAIN PROVINCE  

CALAMITY ASSISTANCE BUKAS NA SA MGA SSS MEMBERS MULA SA ABRA AT MOUNTAIN PROVINCE  

August 25, 2022 @ 7:15 PM 1 month ago


IPINAPAALAM ng Social Security System (SSS) na nagsimula na silang tumanggap ng aplikasyon para sa Calamity Assistance Package sa mga naapektuhan ng 7.0 Magnitude earthquake noong July 27, 2022 sa Abra at sa Mountain Province. Magtatagal ito hanggang November 14, 2022.

Kasama sa pakete ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) at ang tatlong buwang paunang pensyon para sa mga pensioners.

Sa bisa ng Resolution No. 180 series of 2022, idineklara ang buong lalawigan ng Abra sa ilalim ng State of Calamity dahil sa lawak ng naging pinsala ng lindol. Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 79,793 pamilya o katumbas ng 268,901 indibidwal ang apektado sa Abra habang sa Mountain Province ay nasa 3,207 pamilya o 12,853 katao.

Malaki ang nasirang mga imprastraktura at agrikultura sa 303 Barangays ng Abra na binubuo ng mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, La Paz, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, Licuan-Baay, Luba, Malibcong, Manabo, Peñarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo at Villaviciosa.

Nag-deklara din ng state of calamity ang mga bayan ng Bauko at Besao sa Mountain Province.

Ayon kay SSS president at chief executive officer Michael Regino, magiging mabilis ang pag-proseso ng calamity assistance package basta kumpleto ang mga papeles alinsunod na rin sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na personal na bumisita sa Abra at tiningnan ang lawak ng nasalanta ng lindol.

Maaaring makakuha ng salary loan na katumbas ng isang buong buwang suweldo ang isang miyembro at kailangan na siya ay – 

·        Mayroong My.SSS account sa www.sss.gov.ph;

·        May 36 monthly contributions na ang huling anim ay dapat na na-rehistro labingdalawang buwan bago ang kasalukuyang aplikasyon;

·        Kung self-employed, voluntary kabilang ang non-working spouse o land-based overseas Filipino worker, kailangan ang 6 na buwang kontribusyon;

·        Residente ng lugar na na-ideklara sa ilalim ng State of Calamity na naapektuhan ng naganap na paglindol;

·        Hindi dapat nakatanggap ng final benefit mula sa SSS katulad ng permanent total disability o retirement;

·        Wala dapat aktibong Loan Restructuring Program (LRP) o iba pang CLAP; at

·        Kung kasalukuyang employed, ang employer ay dapat na mag-certify ng CLAP application gamit ang My.SSS facility.

Para naman sa three-month advance pension, kailangang isumite ang application for assistance due to calamity/disaster form na kailangang sertipikado ng inyong Punong Barangay o sertipikasyon buhat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o NDRRMC.

Maaaring mag-aplay ang mga retirement, disability at survivor pensioners na nasa ilalim ng Social Security Program, at mga disability at survivor pensioners ng Employees Compensation Program (ECC).

Hindi kwalipikado ang mga pensioners na mayroong kasalukuyang Pension Loan Program (PLP).

Maaaring i-download ang application form sa www.sss.gov.ph o i-click lamang ang link na https://bit.ly/AdvancePensionForm#