Calamity assistance sa Bulacan inihirit

Calamity assistance sa Bulacan inihirit

September 29, 2022 @ 10:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isang resolusyon na humihiling na magkaroon ng calamity assistance para sa mga residente ng Bulacan na matinding napinsala ng bagyong Karding ang inihain sa Kamara.

Sa House Resolution 439 ni Bulacan Rep. Lorna Silverio umapela ito sa gobyerno ng agarang tulong sa 4 na munisipalidad ng ikatlong distrito ng Bulacan o ang San Miguel, San Ildefenso, San Rafael at Doña Remedios Trinidad na ang mga residente ay nawalan ng bahay, ari-arian at kabuhayan.

Ayon kay Silverio ang lokal na pamahalaan ay nagtutulong-tulong para sa pagbibigay ng agarang pangangailangang sa mga residente gaya ng pagkain at tubig, mga malilinis na damit, housing materials at iba pa subalit aminado itong kapos na sa pondo lalo at hindi pa din nakakabangon ang lalawigan sa hagupit ng pandemic.

Umaasa ang mambabatas na sa pamamagitan ng kanyang apela sa Kamara ay agarang kikilos ang national government para mabigyan ng calamity assistance ang mga apektadong residente. Gail Mendoza