Calamity loan, advance pension sa hagip ni Karding alok ng SSS

Calamity loan, advance pension sa hagip ni Karding alok ng SSS

September 30, 2022 @ 9:37 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pasisinayaan ng Social Security System (SSS) ang dalawa nitong programa na naglalayong palawigin ang financial assistance sa kanilang mga miyembro at pensiyonado sa mga lugar na naapektuhan ng Super Typhoon Karding.

Ang dalawang programang ito ani SSS president and CEO Michael Regino ay ang Calamity Loan Assistance Program para sa mga miyembro at Three-Month Advance Pension for Social Security (SS) and Employees’ Compensation (EC) para naman sa mga pensiyonado.

Sa ilalim ng CLAP, maaaring mag-avail ng loan ang mga miyembro ng SSS katumbas ng average ng kanilang huling 12 monthly salary credit o halaga na kanilang inaplay, kung saan mababa.

Para sa Three-Month Advance Pension, ang proceeds ay ibabase sa halaga ng monthly pension ng mga pensiyonado.

“In response to the devastation brought about by Super Typhoon Karding, we will offer these two programs in the areas to be declared under a state of calamity by the National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC),” ayon kay Regino.

“We are finalizing the guidelines for these programs, and we shall release them through our website and social media channels once available,” wika pa nito.

Dahil dito, hinikayat ni Regino ang mga miyembro ng SSS na mag-enroll sa My.SSS Portal ng SSS website dahil ang aplikasyon para sa CLAP ay dadaan sa channel na ito.

Samantala, sa naging report pa ng NDRRMC, may 640,963 katao o 176,337 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Karding sa 1,372 barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Cordillera.

Sa apektadong populasyon, 25,177 katao o 6,435 pamilya ang nananatili sa loob ng 391 evacuation centers, habang may 15,286 indibiduwal o 3,482 pamilya ang namamalagi sa ibang lugar.

Bukod pa sa, may kabuuang 23,151 pamilya o 91,169 katao ang ‘pre-emptively evacuated.’

“A total of 20,628 houses sustained damage—18,110 partially and 2,518 totally—in Ilocos, Cagayan, Central Luzon, and Cordillera due to Karding,” ayon sa NDRRMC. Kris Jose