CALOOCAN MAYOR, NAIIPIT SA NAG-UUMPUGANG BATO

CALOOCAN MAYOR, NAIIPIT SA NAG-UUMPUGANG BATO

August 24, 2022 @ 4:05 PM 1 month ago


PARANG naiipit sa nag-uumpugang bato  si Caloocan City Mayor Along Malapitan dahil sa muling pag-usbong ng problema sa malaking komunidad na sumasakop sa dalawang barangay ng Pangarap Village sa North Caloocan matapos isara ng Carmel Development Inc. (CDI), ang kompanyang umaangkin sa mahigit 156 na ektaryang lupa na tinitirhan  ng halos 40,000 mamamayan.

Isinara kasi ng CDI ang kalsadang palabas at papasok sa naturang village kaya nanawagan ang mga residente, partikular na ang team leader ng Kaisa ng Sambayanan Laban sa Kahirapan o “Kasambayanihan” na si Rhon Palmera, na umani ng isang katerbang komento sa kanyang post sa social media na Facebook.

Sinabi naman ni Malapitan, labis nilang ikinababahala ang naturang pagsasara ng kalsada papasok at palabas lalo na’t magreresulta ito nang paglilimita sa publiko na makapunta sa mga pasilidad ng gobyerno at magiging pahirap para sa mga estudyanteng naninirahan dito na papasok sa paaralan.

Ang mga pahayag ng alkalde ay patunay lang  na tali ang kanyang mga kamay na kumilos at atasan ang CDI na buksan ang papasok at palabas na kalsada ng Pangarap Village lalo na’t ayon kay Palmera ay mahigpit na nagbabantay ang armadong security guards ng kompanyang umaangkin sa lupain.

Kung matatandaan, ang malaking lupain ng Pangarap Village ay nabili noon ng kompanyang CDI, ngayon ay Carmel Farms Inc. na pag-aari ng mayamang pamilya ng mga Araneta. Noong taong 1970, kinansela ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng inilabas na Presidential Decree o PD 293 ang lahat ng mga kontratang pinasok ng CDI kaugnay sa bentahan ng naturang lupain ng Pangarap Village at ipinagkaloob sa mga kawani ng Palasyo ng Malacanang at sa mga maralitang pamilya ang  lupain.

Taong 1988, sa panahon ng panunungkulan ng namayapang dating Pangulong Corazon Aquino, naglabas ng kautusan ang Korte Suprema na nagpapawalang saysay at kawalan ng bisa ang inilabas na kautusan ng dating Pangulong Marcos sa ilalim ng PD 293 na naging daan upang akuin muli ng pamilya Araneta ang malaking lupain.

Dito na lumantad ang tumatayong Chief Executive Officer (CEO) ng Araneta Properties Inc. na si Gregorio Ma. “Greggy” Araneta III na siya ring tagapamahala ng CDI upang ihayag na ang kompanya ang nagmamay-ari ng naturang lupain na nagdulot ng labis na pagkabahala sa libo-libong residente sa lugar.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.