Camarines Norte tinamaan ng M-5.3 quake

Camarines Norte tinamaan ng M-5.3 quake

December 8, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


LIGAO CITY- Nagdulot ng minor damage sa hindi bababa sa 22 public school buildings ang magnitude 5.3 na lindol na tumama sa Camarines Norte nitong Miyerkules.

Inihayag ng provincial disaster risk reduction and management office (PDRRMO) nitong Huwebes na nagkaroon ng cracks sa mga pader ng ilang elementary at high school buildings sa Capalonga, Labo, Paracale, Sta. Elena, Vinzons, at Mercedes.

Dagdag ng PDRRMO, ilang estudyante ang nataranta at nahirapang huminga nang naramdaman ang pagyanig.

Naiulat din ang pinsala sa mga pader sa tatlong barangay halls sa Vinzons, Commission on Elections office sa Labo, at sa Rural Health Unit building sa Barangay Rizal sa Sta. Elena.

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na naganap ang lindol bandang ala-1:05 ng hapon, 19 kilometers northeast ng Tinaga Island. May lalim ito na isang kilometro at tectonic.

Sinabi naman ni Claudio Yuco, Office of Civil Defense (OCD) director sa Bicol, na nakikipag-ugnayan na ang kanilang opisina sa mga apektadong lokal na pamahalaan upang tugunan ang pangangailangan kasunod ng lindol.

Sabi naman ni Gremil Alexis Naz, OCD Bicol spokesperson, hiniling nila sa local disaster officials na suriin ang mga apektadong gusali at tiyakin na ligtas upang muling magamit. RNT/SA