Camiguin solon kay Solidum: Bulkan, butasan para ‘di sumabog

Camiguin solon kay Solidum: Bulkan, butasan para ‘di sumabog

December 9, 2022 @ 8:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kung noong nakaraan ay lumitaw ang ideya ng food pills o Astronaut food para iwas gutom sa mga mahihirap, ngayon naman ay lumitaw ang suhestyon na butasan ang bulkan para hindi na ito sumabog.

Ito kasi ang naging tanong ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr, kasabay ng pagdinig nito sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).

“Kung subukan kaya natin ‘yan na sa bulkan bubutasan, lalabas ang lava para hindi na puputok ang bulkan?” tanong ng mambabatas mula Camiguin, isang probinsyang maituturing na volcanic island.

Tugon naman dito ni Solidum, hindi pwede ang naiisip ni Romualdo dahil hindi naman nito makokontrol ang pagsabog ng bulkan dahil ito ay mula sa pressure at mataas na temperatura sa loob nito.

“A volcano will erupt if there is too much pressure and high temperature. Even if one would tamper with the volcano, it may trigger eruption, not stop it because the magma is more enormous that whatever trigger we want to do,” sagot niya.

Matatandaan na sa kaparehong confirmation hearing, tinanong din ni SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta si Solidum, na baka maaaring ikunsidera ang pag-imbento sa isang food pill na katulad sa kinakain ng mga astronaut sa kalawakan na maaaring tumagal ng ilang araw o ilang linggo, at ipamahagi sa mga mahihirap para hindi na magutom kahit kapos sa makakain.

“I’m thinking aloud na kung sakali pong makaimbento tayo nung kinakain nila, ibibigay ko po sa mga mahihirap na kababayan natin. Even for months hindi sila kakain, hindi sila mamatay,” pagbabahagi ni Marcoleta.

“Kasi ‘pag kinain niya ‘yon, it will last for several days, if not months,” dagdag pa niya. RNT/JGC