Campaign period, gun ban sa Cavite poll nagsimula na

Campaign period, gun ban sa Cavite poll nagsimula na

January 27, 2023 @ 7:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Opisyal nang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes, Enero 26 ang pagsisimula ng campaign period para sa February 25 special election sa ika-pitong distrito ng Cavite.

Kasabay nito ay ang paglalatag ng mga Comelec checkpoint sa iba’t ibang lugar kabilang na ang entrance at exit points sa mga munisipalidad ng Tanza, Indang, Amadeo at Trece Martires City, na bumubuo sa ika-pitong distrito.

Ayon kay Cavite police director Col. Christopher Falculan Olazo, umiiral na rin ang gun ban kung kaya’t magsasagawa rin ng pagsisiyasat sa mga sasakyang bumibyahe sa lugar.

Kabilang sa mga magmamando sa checkpoints ay ang mga tauhan mula sa Cavite Police, Philippine Coast Guard, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at non-government organizations.

Ani Olazo, wala naman silang itinuturing na “election hotspots” sa Tanza, Indang, Amadeo at Trece Martires, at wala ring naitatalang election-related violence sa mga lugar na ito.

Samantala, sinabi ni Atty. Mitzele Veron Morales, Provincial Election Officer, na sisimulan nila ang isang refresher course para sa mga lalahok sa paparating na eleksyon lalo na ang electoral board at board of canvassers.

“We expect a high percentage of election returns from a total of 355,148 registered voters within the 7th district expected to flock to the voting precincts during the actual election day,” ani Morales.

Apat namang kandidato ang maglalaban-laban para sa lone congressional seat ng ika-pitong distrito na nabakante nang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang Department of Justice Secretary.

Ang mga maglalaban-laban ay sina dating Trece Martires City Mayor Melencio “Jun” De Sagun Jr., 7th District Board Member Crispin Diego Remulla, Jose Angelito Domingo Aguinaldo at Michael Angelo Bautista Santos. RNT/JGC