CamSur Ex-Rep. Andaya, nagbaril sa ulo

CamSur Ex-Rep. Andaya, nagbaril sa ulo

June 30, 2022 @ 3:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Patay si dating Camarines Sur Representative Rolando “Nonoy” Andaya Jr., matapos magbaril sa ulo kahapon ng umaga.

Ang pagkamatay ni Andaya ay isinapubliko mismo ng kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang Facebook post.

“With deep grief and sadness, we announce the untimely death of our father… We request for your fervent prayers for his eternal repose, and to allow us, his family, to grieve privately our loss,” nakasaad sa FB post ng magkapatid na sina Ranton at Katrina Andaya.

Hindi naman nagbigay ng anumang detalye ang pamilya sa sanhi ng pagkamatay ni Andaya na nagsilbi bilang House Majority Floor Leader noong 17th Congress at Budget secretary mula 2006 hanggang 2010 sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ngunit batay sa ulat na inilabas ni P/Capt. Antonio Per, Jr. acting station commander ng Naga City Police, si Andaya ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa kanang sentido.

Nangyari ang suicide sa tahanan mismo ng mga Andaya sa Avocado St., corner Pomelo St., Saint Jude Orchard, Con. Grande, Naga City.

Si Andaya, 53, biyudo ay natagpuan ng kanyang personal assistant na si John Mark Patrick Senar, na duguang nakahandusay sa kanyang silid, bandang alas-7 ng umaga. Nai-report sa pulisya ang insidente bandang alas-10:20 na ng umaga.

Ayon sa pulisya, nakarinig ng pag-alingawngaw ng isang putok ng baril mula sa silid ni Andaya at nang tunguhin ito ay nakitang patay na siya sa isang tama ng bala sa kanang sentido.

Nabatid na noong Nobyembre 2021 ay nagbalak si Andaya na tatakbo bilang kinatawan sa unang distrito ng Camarines Sur subalit umatras siya at naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-gubernador ng Camarines Sur.

Gayunman, hindi siya pinalad at natalo kay Luigi Villafuerte, anak ni Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte.

Nabiyudo si Andaya matapos pumanaw noong 2020 ang kanyang maybahay na si dating Rep. Marissa Mercado-Andaya dahil sa cancer. Nats Taboy/ Gail Mendoza