Canada kukuha ng mas maraming Pinoy healthcare workers

Canada kukuha ng mas maraming Pinoy healthcare workers

February 23, 2023 @ 2:05 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng interes si Manitoba Minister of Labour at Immigration Jon Reyes sa pagkuha pa ng mas maraming Filipino health professionals na magtrabaho sa Canada sa ilalim ng bagong programa na susuporta sa mga Filipino nurses.

Kasama umano sa naturang programa ang probisyon sa pamasahe sa eroplano, tirahan, training at iba pa.

Sa courtesy call ni Reyes kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople nitong Miyerkules, Pebrero 22, nagkasundo ang dalawang opisyal ng pagpapaigting pa ng labor cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Manitoba, Canada partikular na sa recruitment ng mga Filipino nurses at iba pang healthcare professionals.

Napag-usapan din ang planong scholarship fund para sa mga nursing students na nais magtrabaho sa Canada.

Ayon sa Philippine Embassy in Canada, noong Abril 2018 ay mayroong
901,218 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan sa Canada na bumubuo sa 2.6% ng populasyon ng bansa.

Idinagdag pa na ang Pilipinas ang nangungunang source ng mga immigrants sa Canada, sinundan ng India, China at Iran.

Nangunguna rin sa may pinakamaraming Pinoy ang mga probinsya ng Canada na Ontario, Alberta, at Manitoba habang ang Toronto ang metropolitan area na may pinakamaraming Filipino sinundan ng Vancouver at Winnipeg.

Samantala, pinasalamatan naman ni Ople ang pamahalaan ng Canada sa mainit na pagtanggap nito sa mga Filipino at pagkilala sa professionalism ng mga Pinoy nurses.

“It’s very natural to our Filipino nurses, to our healthcare professionals to see every patient as a member of the family or a friend. Being warm, hospitable, caring, and hopeful are some of the qualities of our Filipino nurses that makes us proud,” ani Ople. RNT/JGC