Cancer Center of the Philippines, isinusulong Isko-Ong tandem

Cancer Center of the Philippines, isinusulong Isko-Ong tandem

December 10, 2021 @ 7:13 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Isinusulong nina Manila Mayor at presidential candidate Isko Moreno Domagoso at runningmate nito na si Dr. Willie Ong ang pagtatayo ng Cancer Center of the Philippines (CCP) sakaling palarin sila sa darating na 2022 national elections.

Ito ang ipinahayag ni Ong sa ginawang “listening tour” ng Aksyon Demokratiko sa mga residente sa People’s Park sa Barangay Catmon, Malabon City kung saan layon aniya nilang mabigyan ng libreng gamot at mga medikal na pamamaraan ang mahihirap.

“Hindi po ako masaya na ang nabibigay ko sa inyo ay payo lang dahil ang kailangan ninyo po ngayon ‘yung libreng gamot sa high-blood, libreng gamot sa diabetes, kailangan ninyo ng insulin, kailangan libreng dialysis, libreng blood test, urinalysis, libreng ultra-sound, 2D Echo, ECG, at ‘yung mga operasyon na nalulungkot ako at hindi ko maibigay dati,” ani Ong.

“Sabi ni Mayor Isko sa akin ‘Doc Willie samahan mo lang ako, mabibigay mo ‘yan sa milyon-milyong kababayan natin. Ikaw ang bahala sa kalusugan’,” dagdag pa ni Ong.

Aniya, ang proyekto ng CCP ay maihahalintulad sa Philippine Heart Center at Lung Center of the Philippines para magbigay ng espesyal na paggamot sa mga Pilipinong na-diagnose na may mga kanser.

Samantala, sa panayam kay Domagoso ay sinabi nitong wala umano itong kinalaman hinggil sa kumakalat na ulat na umaabot na sa P300 milyon ang nagagastos ng kanilang kampo para sa kanyang mga “advertisement” na nagsusulong sa kanyang kandidatura bilang Pangulo ng bansa.

Ito ang ipinahayag ni Domagoso matapos mag-“courtesy visit” kay Malabon Mayor Len-Len Oreta at makipag-ugnayan sa mga mamamayan ng Malabon sa People’s Park sa Barangay Catmon kahapon.

Sa kabila nito, nagpasalamat si Domagoso sa mga taong gumastos ng kanyang advertisement para.suportahan ang kanyang kandidatura kung saan tinutukoy nito ang kanyang mga TV at print ads.

“Alam naman ninyo na talagang nangangailangan ako ng tulong lahat ng klaseng tulong. Hindi ko kayang gumastos ng ganun, basta ako utaw lang, mag organisa sila basta ako darating,” ayon kay Yorme.

“May utang pa nga ako piso-piso nanghihingi nga ako para itext nila ang kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan,” ani pa Domagoso.

Sinabi din ni Domagoso na ang pokus niya ay ang tao, kung saan nais niyang makisalamuha sa kanila para alamin ang kanilang problema.

“Basta ako, iikot ako ng iikot sa kanayunan, siyudad kabukiran para abutin ko ang mga tao, walang sawa,”giit pa ni Domagoso. JAY Reyes