Canvassing ng Kongreso umarangkada na

Canvassing ng Kongreso umarangkada na

May 24, 2022 @ 1:48 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Dalawampung Senador at 296 na kongesista ang dumalo sa pagsisimula ng joint session ng Kongreso upang simulan ang opisyal na canvassing sa mga kandidato ng presidente at bise presidente.

Sa pangunguna nina Senate President Tito Sotto at Speaker Lord Allan Velasco ay unang agenda ang pag-adopt sa mga alituntunin para sa gagawing canvassing kung saan ang mga senador at kongresista ang tatayong National Board of Canvassers o NBOC-Congress.

Sa panig ng Senado, itinalaga bilang myembro ng Joint Canvassing Committee sa pangunguna ni Senator Migz Zubiri habang myembro sina Senators Nancy Binay, Imee Marcos, Franklin Drilon, Grace Poe, Ralph Recto, Pia Cayetano alternate members naman sina Senators Lito Lapid, Riza Hontiveros, Koko Pimentel at Ronald dela Rosa.

Sa panig ng Kamara ay pinangunahan naman ito ni Majority Leader Martin Romualdez, habang mga myembro naman sina Reps. Boying Remulla, Abraham Tolentino, Kristine Singson-Meehan, Manix Dalipe, Sharon Garin at Juliet Ferrer alternate members naman sina Reps. Rimpy Bondoc, Alfredo Garbin, Johnny Pimentel at Stella Quimbo.

Ganap na alas 10:30 ng umaga nang unang ipag-utos ni SP Sotto sa House at Senate secretariat na isa-isang buksan ang bawat balota kung saan nauna rito ang ballot boxes mula sa Embahada ng Pilipinas sa Cambodia.

Unang sinuri ang serial number at lock seals ng bawat envelope gaya ng nailatag na tuntunin at saka muling lalagyan ng seal ang mga certificate of canvass na nasuri na.

Sa opening remarks ay binigyang diin ni Velasco na ang Kongreso ay nagkatipon  “to ensure that the will of the people in choosing the two highest officials of our country respected.”

“Let democracy reign in our country! Let the voice of the people be heard. Ito po ay ang iniatang na sagradong tungkulin ng ating Konstitusyon—ang magbantay at siguruhin ang wastong pagbilang ng mga boto para sa susunod na mamumuno ng ating bansa,” ani Velasco.

Mahalaga ayon pa rin sa Speaker na sa isang demokratikong bansa ay ang boses ng mamamayan ang masunod upang magkaroon ng tapat at malinis n a halalan.

“Sa isang demokratikong bansa, ang boses ng mamamayan ang siyang masusunod. Ang tanging layunin natin ay pagkakaroon ng isang tapat, kapani-paniwala, at mapayapang eleksyon kung saan ang pagkabanal at pagkalihim ng mga balota ay napapangalagaan, at ang kagustuhan at kapasyahan ng mga bumoto ay hindi pinahina o nabigo, bagkus ang siyang mananaig.”

After determining the presence of a quorum in both chambers, the House and the Senate adopted the rules of the joint public session and immediately proceeded with the creation of a Joint Congressional Committee that would do the actual count of votes for President and Vice President.

Sa ilalim ng mga napagkasunduan tuntunin sa panahon ng canvassing, ang Joint Committee ang magdedesisyon sa mga tanong at isyu ukol sa Certificates of Canvass sa pamamagitan ng majority votes ng miembro ng bawat panel na hiwalay na boboto ang Senado at Malaking Kapulungan ng Kongreso.

Sakaling hindi magkasundo ang dalawang panels ang magdedesisyon ay ang chairperson at kapag nagkaroon ng deadlock, ang reresolba ay ang Speaker at Senate President.

Tinatayang matatapos ang canvassing at maaaring magproklama sa mga nanalong kandidato sa Huwebes. Meliza Maluntag