Capiz, 4 iba pang lugar apektado ng red tide – BFAR

Capiz, 4 iba pang lugar apektado ng red tide – BFAR

October 10, 2022 @ 6:07 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Nagpositibo sa paralytic shellfish poison o toxic red tide ang ilang mga lamang-dagat na nakolekta sa iba’t ibang mga dagat na sakop ng limang lugar sa bansa.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, nagpositibo sa red tide ang mga shellfish na nakuha sa dagat na sakop ng Milagros, Masbate.

Kasama rin sa mga lugar na nakapagtala ng red tide ang bahagi ng Sapian Bay (Ivisan at Sapian), Panay, President Roxas, Pilar at Roxas City sa Capiz; Tagbilaran City sa Bohol at Matarinao Bay sa Eastern Samar.

Maliban dito, kasama rin sa nakapagtala ng toxic red tide sa mga lamang-dagat ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Lianga Bay sa Surigao del Sur.

Dahil dito ay nagpaalala ang BFAR na ipinagbabawal muna ang pagkuha, pagbebenta at pagkain ng shellfish tulad ng tahong mula sa mga nabanggit na lugar dahil hindi ito ligtas kainin.

Ligtas naman umano kainin ang isda, pusit, hipon o alimango basta’t nahugasan itong mabuti. RNT/JGC