Capiz positibo sa red tide

Capiz positibo sa red tide

September 29, 2022 @ 6:20 PM 2 months ago


ROXAS CITY – Nagpaalala ang pamunuan ng Provincial Agriculturist sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng mga shellfish mula sa baybaying dagat na sakop ng Capiz matapos magpositibo sa red tide sa isinagawang shellfish meat sample result nitong Miyerkules, Setyembre 28.

Ayon kay Provincial Agriculturist Sylvia Dela Cruz, positibo sa organismo na Pyrodinium Bahamense ang 4 sa 10 shellfish meat sample na nagmula sa iba’t ibang karagatan na sakop ng nabanggit na probinsya.

Ilan pa sa mga nabanggit na lugar na nagpositibo sa red tide ay ang mga sumusunod na barangay ng Natividad, Pilar, Butacal, Panay at Brgy. Barra, Roxas City.

Sinabi ni Dela Cruz na mataas ang toxicity level ng mga ito at lumampas na sa tolerable level ng toxicity na nasa 60 micrograms/100 grams.

Lumagpas ng 200 micrograms ang mula sa Brgy. Butacal, 87.11 micrograms sa Brgy. Barra, habang pinakamataas at umabot na sa 276.66 micrograms ang Brgy. Natividad.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang panawagan ng Provincial Government sa publiko na huwag munang kumain, magharvest, magtinda at maglabas ng lahat ng uri ng shellfish para maiwasan ang sakit na dulot na nito sa kalusugan.

Aminado naman si Dela Cruz na malaki ang epekto nito sa industriya ng shellfish sa probinsya na tinagurian “shellfish capital” sa bansa kaya nanawagan na rin siya sa matataas na opisyal ng probinsya na tulungan ang mga tindero at mga mangingisda na tanging hanapbuhay ng kanilang pamilya.

Aniya, hindi pa nila masasabi kung hanggang kailan magtatagal ang red tide na isang natural phenomenon subalit tiniyak nila na tuloy-tuloy ang kanilang monitoring sa buong karagatan ng probinsya na rin sa kanilang protocol kada buwan. Mary Anne Sapico