Car history ng getaway vehicle sa Nueva Vizcaya ambush iniimbestigahan na

Car history ng getaway vehicle sa Nueva Vizcaya ambush iniimbestigahan na

February 22, 2023 @ 7:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaalam na ng mga awtoridad ang mga dating may-ari ng getaway vehicle na ginamit sa pananambang kay Aparri, Cagayan
Vice Mayor Rommel Alameda at lima iba pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules, Pebrero 22.

“Patuloy po yung pag-iimbestiga ng HPG (Highway Patrol Group) para matunton po natin yung iba pang may-ari ng sasakyang ito na kung tawagin natin ay “car history” nang sa ganun matunton po natin yung tinatawag nating last possessor bago ito ginamit dito sa krimen na ito,” ayon kay PNP public information office chief Police Colonel Redrico Maranan kasabay ng public briefing.

Nitong Martes, Pebrero 21, sinabi ng PNP na natukoy na nila ang registered owner ng getaway vehicle.

Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Special Investigation Task Group (SITG) sa lokal na pulisya upang mahanap ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan.

Sa kabila nito, hindi pa sigurado ng mga awtoridad kung ito pa rin ang may-ari ng sasakyan.

Sinusubukan ngayon ng PNP na makakuha ng CCTV footage para sa imbestigasyon. RNT/JGC