Cardinal Advincula sa publiko: Makinig sa kapwa gamit ang puso

Cardinal Advincula sa publiko: Makinig sa kapwa gamit ang puso

May 28, 2022 @ 2:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Paigtingin ang pakikinig sa kapwa upang malaman ang katotohanan.

Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mamamayan sa pagdiriwang ng 56th World Communications Day sa May 29 kasabay ng Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit.

Ang mga karanasang dulot ng pandemya at ang krisis na dulot ng fake news na nakukuha sa social media ay isa sa ikinababahala ni Cardinal Advincula.

Ayon sa Arsobispo, mahalagang makinig gamit ang puso upang higit na mauunawaan ang kalagayan ng kapwa.

Batid ni Cardinal Advincula ang iba’t ibang pangyayari sa lipunan na nararapat mapakinggan at mapagtuunan ng pansin kung saan hinamon ang bawat isa na tuklasin at ipalaganap ang mabuting balitang hatid ng Panginoon.

Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Listening with the Ear of the Heart” na tugma sa motto ng cardinal na ‘Audiam’ na naging batayan din sa isinagawang synodality ng Archdiocese of Manila.

Sinabi ng Cardinal na manhid at marahas ang sinumang hindi marunong makinig sa kapwa.

Ipinaalala ni Cardinal Advincula ang hamon ng Panginoon sa bawat isa na maging mapagpakumbabang tagapakinig upang maibahagi sa pamayanan ang Kanyang salita.

Hinimok nito ang bawat isa na suriin ang mga napakikinggan at itaguyod ang katotohanan sa lipunan.

Ibinahagi din ni Cardinal Advincula ang mensahe ni Pope Francis na nararapat matutuhan ng bawat isa ang mabuting tagapakinig upang maging propetang tagapagpadaloy ng katotohanan. Jocelyn Tabangcura-Domenden