Cardinal, singer actress inaresto sa Hong Kong

Cardinal, singer actress inaresto sa Hong Kong

May 13, 2022 @ 4:56 PM 2 weeks ago


HONG KONG – Inaresto ng Hong Kong police ang isang Katolikong Cardinal at human rights activist kamakala lamang sa pagiging kritiko ng pamahalaan at pagtatawag sa ibang bansa na makialam sa pagtataguyod ng human rights dito.

Pinalaya rin makaraang magpiyansa si Cardinal Joseph Zen, 90 anyos, at pinuno ng Simbahang Katolika sa Hong Kong subalit walang balita kung ganito ang kalagayan ni Denise Ho, Canadian citizen, singer-actress at tagapagtaguyod ng karapatang pantao ng mga Lesbian, Gay, Transgender at Queer.

Kilala ang dalawa na tagasuporta ng mga protesta laban sa pamahalaang Hong Kong na may umiiral nang bagong batas na panseguridad.

Ayon kay Zao Lijian, spokesman ng China Foreign Ministry, kasama sa mga itinatadhana ng batas ang istriktong pagsunod sa mga umiiral na batas at patakaran laban sa panawagan ng anomang indibiduwal o organisasyon na nananawagan sa sinomang dayuhan na makialam sa mga ginagawa ng pamahalaan sa Hong Kong.

Kilala si Zen na matagal nang lumalaban para sa malayang pag-iral ng pananampalataya at kritiko rin mismo ng Vatican City sa pagiging malambot nito sa China na nagtatakda ng sariling mga pinuno ng Simbahang Katolika sa Mainland China at Hong Kong. RNT