Cardinal Tagle, kasamang mangangasiwa sa pagbabago sa Caritas Internationalis

Cardinal Tagle, kasamang mangangasiwa sa pagbabago sa Caritas Internationalis

November 23, 2022 @ 6:16 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Mahalagang mapalakas ang paglingap sa mamamayan lalo na sa humanitarian crisis at pakikipagtulungang isulong ang katarungan at kawanggawa batay sa mga turo ng simbahan.

Ito ang layunin ng kanyang kabanalan Francisco kasabay ng pagkatalaga kay Dr. Pier Francesco Pinelli bilang pansamantalang tagapangasiwa ng Caritas Internationalis alinsunod sa inilabas ng decree ng Vatican.

“In order to improve the fulfillment of this mission, it would appear necessary to revise the current regulatory framework to make it more appropriate to the statutory functions of the organization, and to prepare it for the elections to be held at the next general assembly. With the fervent wish to facilitate the envisaged renewal of the Institution,” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.

Nilinaw ng Dicastery for Promoting Integral Human Development (DPIHD) na ang pagpapalit ng liderato sa organisasyon ay hindi bunsod ng korapsyon at sexual impropriety kundi isang pagsasaayos tungo sa mas magandang programang maipatutupad ng simbahan.

Makakatuwang ni Pinelli sa pamamahala sa organisasyon si Maria Amparo Alonso Escobar ang kasalukuyang Head of Advocacy ng Caritas Internationalis at Fr Manuel Morujão S.J. para sa personal and spiritual accompaniment ng mga kawani.

Ayon kay Caritas Internationalis President Emeritus Cardinal Luis Antonio Tagle na ang hakbang ni Pope Francis ay hamon sa bawat isa na patuloy sa pagbuklod sa paglalakbay bilang simbahan.

Kasabay ng temporary administration ng Caritas Internationalis ay pinawalang bisa ng Vatican ang lahat ng posisyon ng organisasyon habang inihahanda nina Pinelli at Cardinal Tagle ang proseso ng paghalal ng mga lider sa 2023.

Ang hakbang ni Pope Francis ay alinsunod na sa bagong apostolic constitution na Praedicate Evangelium kung saan inatasan ang Dicastery for Promoting Integral Human Development na mangasiwa sa mga kawanggawa ng simbahang katolika kabilang na ang Caritas Internationalis.

Sinabi naman ni Pontificio Collegio Filippino Rector at Radio Veritas Vatican Correspondent Fr. Gregory Ramon Gaston na malaking organisasyon ang Caritas Internationalis at may sariling pamunuan ang bawat social arm ng simbahan sa mundo na kinakailangan din ng pagsasaayos tungo sa kabutihan.

Ayon sa pari, hindi lamang sa Caritas Internationalis ang pagbabago na ipinatupad ni Pope Francis kundi sa bawat tanggapan sa Vatican.

Ang Caritas Internationalis na itinatag noong 1951 ay binubuo ng 162 charitable institutions sa 200 bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden