Carlos dumipensa sa pag-aresto sa doktor: Operasyon, lehitimo

Carlos dumipensa sa pag-aresto sa doktor: Operasyon, lehitimo

February 21, 2022 @ 8:53 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Dinepensahan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos, ang operasyon ng pulisya na humantong sa pagkakaaresto sa community doctor na si Maria Natividad Castro sa San Juan City.

Sinabi ni Carlos na inaasahan nila ang mga negatibong reaksyon lalo na sa panig ng mga kaanak ngunit iginiit na ito ay isang lehitimong operasyon.

Nagbigay-komento si Carlos sa inilabas na pahayag ng mga kaanak ni Castro, na sinasabing pwersahang pinasok ng mga pulis ang bahay na inookupahan ng doktor at wala umanong nakapangalan sa warrant of arrest.

“They will always say something that would defend what was the subject of the warrant of arrest. But at the end of the day, what was our basis? What was the legal order of the court?,” ani Carlos.

“If there is a legal order of a competent court as law enforcers we follow it. Everybody will tell their innocence,” giit pa ng hepe ng kapulisan.

Matatandaang inaresto si Castro sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Bayugan City dahil sa kasong kidnapping na may serious illegal detention na kinasangkutan ng isang government militiaman noong 2018. Walang inirekomendang piyansa.

Sa isang pahayag, inilarawan ng PNP si Castro bilang isang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA).

Sa huli, sinabihan ni Carlos ang mga kumukwestyon sa oeprasyon na magsampa ng kaso sa korte. RNT