Carpio, out na sa pagpipilian ni Pangulong Duterte na kapalit ni Sereno

Carpio, out na sa pagpipilian ni Pangulong Duterte na kapalit ni Sereno

June 29, 2018 @ 2:04 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Out na si Acting Chief Justice Antonio Carpio sa pagpipilian ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na papalit sa binakanteng posisyon ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito’y dahil lantaran ang pagtanggi ni Carpio na maging susunod na Mahistrado ng Korte Suprema.

Ayaw namang magpaka-trying hard ni Pangulong Duterte na kumbinsihin si Carpio.

Kaya nga depende na sa magiging rekumendasyon ng legal experts ni Pangulong  Duterte ang pipiliin niyang susunod na Chief Justice of the Supreme Court.

Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.

Ibinasura ng Supreme Court en banc ang apela ni Sereno na baligtarin  ang naging kautusan ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa kanyang pagkakatalaga bilang ‘top magistrate’ ng bansa.

Sinabi ng Korte Suprema na pinal na ang kanilang desisyon.

Mayroon namang 90-day period si Pangulong Duterte para punan ang  bakanteng posisyon ng  Chief Justice.

Hihintayin naman niya ang short list na manggagaling sa Judicial and Bar Council (JBC)

Bukod pa sa kokonsultahin din niya ang ilang mga abogado at ilang niyang naging law professor noong nag-aaral pa lamang siya ng abogasya sa San Beda College of Law sa Davao City.

Layunin nito na makakuha pa siya ng ilang puntos  at payo sa kung sino ang karapat-dapat na pumalit kay Sereno.

“I have to consult not only the Justices themselves but also the law profession — so it’s by IBP and Philippine Constitutional Association and others. And I will consult here, Atty. Dela Cerna. ‘Yung sabi ko professor ko sa Criminal Law,”ayon kay Pangulong Duterte. (Kris Jose)