Cascolan dumipensa sa pagkakatalaga sa DOH

Cascolan dumipensa sa pagkakatalaga sa DOH

November 10, 2022 @ 8:10 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dinipensahan ni dating Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan ang kanyang appointment sa Department of Health (DOH), at sinabing ang kanyang bagong tungkulin ay nasa kanyang lugar ng kadalubhasaan.

Si Cascolan na itinalaga bilang DOH undersecretary ay naatasan na pamunuan ang Field Implementation Coordinating Team (FICT) para sa Visayas, na nakatutok sa pangangasiwa sa pagpapatupad ng mga programa ng DOH.

Ipinaliwanag nito ang kanyang mga responsibilidad ay kinabibilangan ng pamamahala ng mga suplay, pamamahala sa mga operasyon ng Kagawaran ng Kalusugan, pagtulong sa mga regional director at pangangasiwa sa pagpapatupad ng mga patakaran ng mga programang ito sa larangan.

“I believe this one’s more operational. I’ve seen the directive from the DOH and it talks about overseeing implementation programs which are actually operational in nature,” pahayag ni Cascolan sa isang interview nang tanungin kung magiging hadlang ang hindi nito pagiging doktor.

Ang pagtatalaga ni Cascolan sa DOH ay sinalubong ng mga batikos, partikular sa kanyang kakayahan na magtrabaho sa sektor ng kalusugan sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya ng COVID-19.

Bago naging PNP chief, binanggit ni Cascolan na tumulong siya sa paglikha ng anti-COVID task force sa pagsiklab ng virus noong 2020. Binuo rin daw niya ang administrative support ng grupo.

Aniya inatasan aniya sila na gumawa ng mga hakbang para labanan ang pandemya ng COVID.

” The Department of Health was even part of our first meetings then I remember (former DOH) Sec. (Francisco) Duque was there and four other doctors of DOH, and we actually created what we called.. the anti-COVID task force,” ani Cascolan.

Nanindigan din si Cascolan na ang PNP ay kabilang sa mga unang tumugon sa pandemya na may mga hakbangin upang maiwasan ang pagpasok ng virus sa kanyang termino. Jocelyn Tabangcura-Domenden