Cash aid sa 23K pamilya na apektado ng lindol sa Abra, handa na

Cash aid sa 23K pamilya na apektado ng lindol sa Abra, handa na

October 13, 2022 @ 11:29 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Handa na at makatatanggap na ng ayuda sa ilalim ng emergency cash transfer (ECT) program ang mga residente ng Abra na naapektuhan ng magnitude 7.0 na lindol noong Hulyo.

Ito ang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules, Oktubre 12 kung saan inilunsad na sa Kapitolyo ng probinsya ang ECT program na may kabuuan P214.5 milyon pondo laan sa 23,415 pamilya sa nabanggit na probinsya kabilang na ang Mountain Province.

Unang matatanggap ng Abra ang mga ayuda na ito na pinakanapuruhan sa lindol.

“You can be assured that the national government, along with the local governments and partner organizations and other agencies, will continue to assist you in what you are going through,” sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ipinarating sa pamamagitan ni Undersecretary Vilma Cabrera.

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa program ay ang mga mahihirap na pamilya na nakalista sa DSWD Listahanan Poverty Database na hindi pa nakatatanggap ng ayuda mula naman sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ilan pa sa pamantayan na pagbabasehan ay kung ito ba ay nakatira sa liblib na lugar o mahirap na lugar; may miyembro ng pamilya na kabilang sa vulnerable sectors; namatayan dahil sa lindol at may mga nasirang ari-arian.

Ayon pa sa DSWD, ang pamilyang may partially damaged houses ay makatatanggap ng cash aid katumbas ng 75% ng minimum regional daily wage rate o P280 sa loob ng 30 araw, kabuuan P8,550.

Ang mga totally destroyed houses naman ay makakatanggap ng kaparehong halaga ngunit sa loob ng 90 araw o kabuuan P25,650. RNT/JGC