Cash cards para sa mga tsuper ng jeep, bigong maipamigay

Cash cards para sa mga tsuper ng jeep, bigong maipamigay

July 12, 2018 @ 5:54 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Naudlot ang pamamahagi ng cash cards para sa mga tsuper ng pampasaherong jeepney.

Bagama’t may seremonya sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, walang naganap na nakatakdang distribusyon ng nasa sampung libong cash cards, sa ilalim ng Pantawid Pasada Program o PPP sa PUJs.

Paliwanag ni LTFRB Chairman Martin Delgra, nagkaroon kasi sila ng concensus kasama ang Department of  Transportation at napagdesisyonan na ipamahagi na lang ang sampung libong cash cards na naglalaman ng tig-limang libong piso, kaysa sa buwanang P833.00.

Ayon kay Landbank President Alex Buenaventura, ang desisyon na ito ay nalaman lang ilang minuto bago ang launching ng PPP.

Dagdag pa ni Buenaventura, dahil dito posibleng matagalan ang distribusyon dahil kailangan pang mai-adjust ang laman ng cash cards.

Sa kabila nito, iginiit ng mga opisyal na target nilang maipamahagi ang cash cards sa July 17 at makumpleto bago matapos ang buwan na ito.

Ang cash cards ay tulong ng gobyerno sa mga jeepney operator at drivers na apektado ng excise tax sa mga produktong petrolyo. (Remate News Team)