Casimero hinamon si Inoue

Casimero hinamon si Inoue

June 9, 2022 @ 1:50 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kahit walang hawak na korona, hinamon ni dating three-division champion John Riel Casimero si  WBC, WBA, at IBF world bantamweight champion Naoya Inoue kasunod ng panalo nito kay Nonito Donaire Jr. nitong nakaraang Martes sa Saitama, Japan.

Si Casimero, 33, ay lalaban sana kay Inoue noong Abril 2020 ngunit naputol ang laban sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19. Huli siyang lumaban noong Agosto laban sa dating kampeon na si Guillermo Rigondeaux kung saan siya ay nanalo sa pamamagitan ng split decision.

“There will be a winner and a loser, that is boxing. Ginawa ni Donaire ang lahat para manalo sa laban na iyon. Walang makakatalo kay Inoue kundi ang ‘Angas ng Pinas.’ Huwag kang mag-alala Donaire, makakaganti tayo. Ipaglalaban ng mga Pilipino ang nangyari kay Donaire,” ayon kay Casimero sa kanyang Youtube channel.

Iginiit din ni Casimero, 31-4 na may 21 knockouts, na kasalukuyang hawak niya ang WBO world bantamweight title, pero inalis sa kanya.

Dapat niyang ipagtanggol ang kanyang world title noon laban sa mandatory challenger na si Paul Butler noong Disyembre ngunit naunsiyame ang laban matapos siyang dumanas ng viral gastritis sa araw ng weigh-in.

Binigyan siya ng WBO ng pass at inilipat ang mandatory title defense sa Abril sa Liverpool, pero nilabag ni Casimero ang pagbabawal ng British Boxing Board of Control na gumamit ng sauna bago ang laban.

Ang sanctioning body ay kumilos upang alisin sa kanya ang titulo matapos niyang mabigo na ipagtanggol ang kanyang sinturon ng dalawang beses.

“Tatlo ang sinturon ni Inoue, nasa akin ang WBO. Naoya Inoue, isa kang halimaw? Hindi. Hindi ka halimaw, isa ka na namang pagong na Hapones! Walang makatatalo kay Naoya kundi si John Riel Casimero,” ani Casimero.RICO NAVARRO