Casimero vs Akaho nauwi sa no contest

Casimero vs Akaho nauwi sa no contest

December 4, 2022 @ 5:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nauwi sa kontrobersiyal na 2nd round no contest  ang unang pagsabak ni dating three-time world champion Johnriel Casimero sa superbantam laban kay Ryo Akaho ng Japan sa Paradise City Plaza sa Incheon.

Sa ikalawang round ay naging agresibo si Casimero nang maaga at agad na nagpatama ng malalakas na suntok sa ulo ni Akaho.

 

Itinuloy ni Casimero ang atake sa ulo ni Akaho subalit isang daplis na counterpunch ng Japanese fighter ang umabot sa Pinoy dahilan para ma-out of balance ito at mabilangan ng Japanese na referee.

Dahil sa galit, agad na nagpa-ulan ng  solidong suntok si Casimero sa ulo at katawan nang umaatras na Hapones na sa isang punto ay kumapit sa lubid para hindi bumagsak.

Marami pang oras ang natitira sa round 2 at bugbog sarado na Hapon, tila isang knockdown o isang knockout ang inaasahan.

Sa 44 segundong natitira sa round 2 ng laban, pinigilan ng Japanese referee ang aksyon at binalaan si Casimero na huwag tumama sa likod ng ulo.

Sa replay makikitang nailagan ni Akaho ang suntok ni Casimero kaya dumaplis ang braso ng Pinoy sa likod ng ulo ni Akaho.

Pero halatang naduwag ang Hapones at tila hinawakan ang ulo at sinabing hindi na niya kayang lumaban dahil sa tama sa likod ng ulo.

Dahil ayaw nang lumaban ng Hapon, nagpasya ang hurado na ideklara ang laban na no contest.

Gayunpaman, ipinakita ni QuadroAlas na mayroon pa rin siyang nakatatakot na suntok  at maaari pa ring maging banta sa sinuman sa bantamweight.

Hawak ngayon ni Casimero ang record na 31-4-1 na may 21KOs habang ang kay Akaho ay 39-2-3, 26KOS.