Casinos sa P’que, target isapribado ni Olivarez

Casinos sa P’que, target isapribado ni Olivarez

September 24, 2022 @ 12:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Planong i-privatize ni Parañaque City 1st District Rep. Edwin Olivarez ang mga casino sa lungsod na pinapatakbo ng gobyerno sa dahilang nagkakaroon ng problema o di magkatugmang mandato ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Ito ang napag-alaman kay Olivarez sa kanilang isinagawang congressional hearing upang pag-usapan ang proposed budget ng nabanggit na ahensya kung saan sinabi ng mambabatas na ang nabanggit na ahensya na siyang umaakto bilang gaming regulator habang nagpapatakbo ng 45 casinos sa buong bansa na nagdudulot ng kalituhan sa pag-regulate ng Pagcor sa kanilang sarili.

Bukod pa sa 45 casinos na ino-operate sa buong bansa ay binabantayan pa ng Pagcor ang siyam na lisensiyadong casino operators kung saan kabilang dito ang tatlong casinos na matatagpuan sa Entertainment City na pinagsilbihan din ni Olivarez bilang alkalde ng tatlong termino na katumbas ng siyam na taon.

Sinabi ni Olivarez na mayroon pang ikaapat na casino na nakatakdang magbukas sa Entertainment City sa mga darating na araw habang karamihan naman sa mga lisensiyadong casino ay matatagpuan sa Clark Freeport sa Pampanga at sa iba’t-ibang sulok ng bansa.

Dagdag pa ni Olivarez na kasalukuyang chairman of the House Committee on Government Enterprises and Privatization na maliit lamang ang nakukuha ng mga lungsod kung saan mayroong mga pribadong casino operators ang nakakasakop dito na ang lokal na pamahalaan ang gumagastos sa halos lahat ng serbisyo sa mga casinos tulad ng pagkuha ng basura, seguridad at kalusugan at iba pa.

“This will benefit not only the City of Parañaque but all the host LGUs in our country should this bigger revenue share materializes,” (Makikinabang dito hindi lang ang Lungsod ng Parañaque kundi ang lahat ng host LGUs sa bansa kung sakaling matuloy ang pagkuha ng mas malaking revenue share sa mga ito) ani Olivarez.

Aminado naman si Pagcor Chairman and CEO Alejandro Tengco na nagkakaroon ang kanyang pinanghahawakang ahensya ng konting kalituhan at naghahanap sila ng pamamaraan upang malutas ito kasabay ng kanyang paghingi sa Kongreso na bigyan sila ng sapat na panahon para mapag-aralan ang bagay na ito.

Sumang-ayon din si Tengco na ang mga pribadong casinos ay hindi nagbabayad ng operating fees sa mga lungsod na nakasasakop sa kanila at idinagdadg pa nito na ang kanyang tanggapan ay maghahanap din ng paraan upang mabigyan ang mga LGUs ng mas malaking bahagi mula sa casino revenues. James I. Catapusan