Castello una sa VM race sa QC – sarbey

Castello una sa VM race sa QC – sarbey

February 2, 2022 @ 10:02 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Napanatili ni District 2 Councilor Winnie Castelo ang pangunguna sa Quezon City vice mayoral race laban kay incumbent Gian Sotto base sa pinakabagong Pulso ng Pilipino survey.

Sa isinagawang survey ng The Issues and Advocacy Center noong nakalipas na Enero 10 hanggang 16, lumabas na 48% ng respondents ang nais na maging vice mayor si Castelo, stalwart ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), habang 22% lamang kay Sotto.

Sa mayoral contest naman, napanatili ng running mate ni Castelo na si Mike Defensor ang pangunguna kay Mayor Joy Belmonte.

Pinili si Defensor ng 53% ng respondents na mas mataas ng dalawang porsiyento kumpara noong nakalipas na buwan habang 39% naman ang sumuporta kay Belmonte.

Nagpasalamat si Castelo sa mga residente ng Quezon City dahil sa patuloy na ipinapakitang suporta sa kanyang kandidatura, Defensor at buong tiket ng Malayang Quezon City na mga kandidato nina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Lakas-CMD vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte.

“We assure them that we can offer a proactive and transparent leadership, one that promptly addresses their concerns. We will hit the ground running because we know the problems of Quezon City,” ani
Castelo.

Napanatili o mas napalaki pa ng karamihan sa mga kandidato ng Defensor-Castelo team sa anim na congressional districts ang kalamangan sa kanilang mga katunggali.

Napalaki ni reelectionist Rep. Onyx Crisologo ng Malayang Quezon City ticket sa unang distrito ang kanyang kalamangan nang makakuha ng 49% kumpara sa 24% ni Juan Carlos Atayde.

Napalobo rin ni Quezon City 2nd District Rep. Precious Hipolito Castelo ang kanyang dating pitong porsiyentong kalamangan patungong 25%.

Pinili si Precious Castelo ng 50% ng respondents habang 25% lamang ang nakuha ng kanyang pinakamalapit na katunggali na si Ralph Wendel Tulfo Jr.

Sa 3rd district ng QC, nanguna rin si Malayang Quezon City aspirant na si reelectionist Rep. Allan Reyes na nakakuha ng 47% kumpara sa 28% ni Franz Pumaren.

Nananatiling mahigpit naman ang laban sa congressional race ng ika-apat na distrito ng Quezon City matapos makakuha si Marvin Rillo ng Team Defensor ng 45% kontra sa 48% ni Rep. Jesus Suntay.

Dikit rin ang laban sa congressional seat ng ika-fifth district ng Quezon City nang makakuha si Patrick Michael Vargas ng 39% kumpara sa 36% ni Malayang Quezon City aspirant Rose Lin.

Sa ika-anim na distrito naman, nananatiling nangunguna si dating Rep. Vincent “Bongbong” Crisologo na nakakuha ng 51% kumpara sa 29% ni Marivic Co-Pilar.

Binubuo ang The Issues and Advocacy Center ng professional public relations at media practitioners. Bahagi ang Quezon City poll ng isinagawang malawakang survey sa Metro Manila. RNT