Castelo: P50K longevity gift sa matatanda sa QC, ipamahagi

Castelo: P50K longevity gift sa matatanda sa QC, ipamahagi

January 2, 2022 @ 8:17 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Ipinanukala ni District 2 Councilor Winnie Castelo ang pagkakaloob ng P50,000 longevity gift sa mga matatanda sa Quezon City na umabot ang edad sa 70 at 80.

Nakapaloob ang panukala ni Castelo, vice mayoral running mate ni mayoral aspirant Mike Defensor, sa Ordinance No. 525, S-2021 na nakabimbin sa city council.

“In our country, we value and respect the contributions of senior citizens in nation building. The vast experience they impart among families and in society are valuable and appreciated,” ani Castelo.

Bilang pagkilala sa kanila, sinabi ni Castelo na isinasaad rin sa Konstitusyon “that the family has the duty to care for its elderly, but the State may also do so through just programs of social security.”

Alinsunod sa ganitong mandato, nagpasa ang Kongreso ng ilang batas para sa promosyon ng kagalingan at interes ng senior citizens, kabilang ang Republic Act (RA) No. 10686 o ang Centenarians Act of 2016 na nagkakaloob ng P100,000 sa sinomang Filipino na aabot sa 100 ang edad, nakatira man sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Sinabi ni Castelo na umaayon ang kanyang panukalang P50,000 longevity gift sa benepisyong nakapaloob sa RA No. 10686.

Iginiit ng vice mayoral aspirant ang kahalagahan na ipagkaloob ng Quezon City ang longevity benefit bilang pagkilala sa mga ito.

“It is truly a blessing to reach 70 years of age, contributing whatever you can to your community, more so if you live another decade or longer,” ani Castelo.

Kasama rin sa co-authors ng panukala sina Councilor Carl Edgar Castelo ng District 5 at Councilor Melencio Castelo Jr. ng District 6.

Sa tambalang Defensor-Castelo sa ilalim ng Malayang Quezon City, isinulong ng mga ito ang P17-bilyong pandemic recovery roadmap na kinabibilangan ng direktang financial assistance sa mga mahihirap at maliliit na mga negosyante para makatugon sa laban kontra pandemya. RNT