Catapang kakasuhan si Bantag sa ‘pag-torture’ sa mga preso

Catapang kakasuhan si Bantag sa ‘pag-torture’ sa mga preso

December 20, 2022 @ 4:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mahaharap sa karagdagang reklamo si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag, sa umano’y pag-torture sa mga preso.

“Hopefully I can file the case this Friday at the fiscal’s office,” ani BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang tonitong Martes. Sinabi niya na may kaugnayan ang kaso sa torture at human rights violation matapos ilahad ng dalawang preso ng New Bilibid Prison (NBP) na sinaksak sila ni Bantag. 

Sinabi nina NBP prisoners alias Luis at alias Rodel, na iniharap sa media nitong Lunes, na sinaksak sila ni Bantag noong Pebrero. Lasing umano ang dating prisons chief at ikinagalit ang jailbreak na naganap noong Enero, anila pa.

Sinaksak umano ni Bantag si Luis sa kanang hita at si Rodel sa palad.

Ani Catapang, nakarating na sa kanya ang mga ulat ukol sa mga ganitong insidente mula nang manungkulan siya sa BuCor noong Oktubre.

“As early as October 24, there are already people who wanted to talk,” aniya.

“Sabi ko sige I will get their statements and make sure they are for real, hindi sila fake news. And then yung mga kasama ko naman sa office, Sir totoo talaga may sugat yan, may mga tama yan. Totoo na sinaksak sila,” patuloy ni Catapang.

Bago ang pagsisiwalat ng dalawang preso, isa pang biktima na sinaksak din umano ang dapat sana’y magsasalita. Subalit, nangamba siya dahil maaari umanong malagay sa kapahamakan ang buhay ng kanyang pamilya, base kay Catapang .

Kasalukuyang nahaharap si Bantag sa murder complaints sa umano’y pagiging mastermind sa likod ng pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid at isang NBP inmate.

Ayon pa kay Catapang, sinisilip din niya ang posibleng mga krimen ng mga opsiyal sa Iwahig facility sa Palawan.

“I have my lawyer, he went to Palawan to also file cases against previous officers assigned in BuCor and these people will be filed cases of torture or maltreatment against BuCor officials who are in Iwahig in Palawan,” pahayag niya.

Subalit, hindi niya tinuloy kung sino-sino ang mha opisyal at kung anong mga kaso ang isasampa.

Iginiit ni Catapang na nais niyang isiwalat ang lahat ng kuwestiyonableng aktibidad ng BuCor sa ilalim ni Bantag sa pagtatapos ng taon at hayaan ang akmang awtoridad na tumugon sa mga ito. RNT/SA