Catapang: Paghuhukay ng tunnel sa loob ng Bilibid, inilihim dahil walang pondo

Catapang: Paghuhukay ng tunnel sa loob ng Bilibid, inilihim dahil walang pondo

November 16, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Bureau of Corrections officer-in-charge Gregorio Catapang nitong Miyerkules na walang inilaang public funds para sa paghuhukay sa loob ng New Bilibid Prison kung kaya’t isinekreto ito ng nakaraang lidersto.

“Walang pondo yan kaya nga nililihim yan e,” tugon ni Catapang nang tanungin kung pinondohan ng bureau ang umano’y tunnel na hinukay sa ilalim ng swimming pool sa loob ng national penitentiary.

Nang tanungin kung pinondohan ito ni dating BuCor director-general Gerald Bantag dahil inamin niya ang pag-uutos na huayin ito, sinabi ni Catapang: “Hindi po. Kasi ginamit ang equipment ng BuCor e.”

Inihayag ni Catapang na nasa kamay na ng mga imbestigador kung magrerekomenda ng kaso laban kay Bantag sa nasabing excavation.

“Bahala na po yung mag-iimbestiga kung ano ang rekomendasyon,” aniya.

Binanggit din ni Catapang na mayroon nang contractor para sa nasabing proyekto subalit beberipikahin pa nila ang impormasyon.

“Yung guwardya sinabi na niya kung ano yung construction firm e pero for follow up pa…Tukoy namin pero sisiguraduhin namin na siya talaga ang naghukay,” aniya.

Inihayag pa ni Catapang na humingi na sila ng tulong sa Department of Environment and Natural Resource dahil walang permit ang excavation sa loob ng NBP at itinuturing itong “illegal quarrying.”

Idinagdag ni Catapang na hindi rin awtorisado ng local government ng Muntinlupa ang excavation subalit mino-monitor ito ng local officials.

Bagama’t tumangging magkomento kung ang layunin ng umano’y tunnel ay upang gawing escape route, sinabi ni Catapang na malapit ang lokasyon ng excavation site sa creek kung saan maaaring makatakas ang mga preso mula sa national penitentiary.

“Ang quarters ko, director’s quarters, ‘yon ang pinakadulong property ng BuCor na may pader at may creek na puwede ka na rin tumakas,” aniya.

Sinabi pa ni Catapang na ipinagbigay-alam sa kanya na may nadiskubreng metal detector sa excavation site at ang mga gwardiya roon ay pinalayo.

Inilahad ni Catapang nitong nakaraang linggo na iniimbestigahan nila ang umano’y tunnel na hinukay malapit sa swimming pool. RNT/SA