Catapang: Security system sa Bilibid gagawing hi-tech ng BuCor

Catapang: Security system sa Bilibid gagawing hi-tech ng BuCor

November 14, 2022 @ 4:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. nitong Lunes na ikakasa ang technology-driven security system para sa New Bilibid Prison.

Sa press conference, inihayag ni Catapang na pupunan niya ang kakulangan sa mga tauhan  ng K9 units at high-tech equipment gaya ng facial recognition.

“High-tech equipment, facial recognition, ‘yung problema po na (the problem on) who will guard the guardians, the technology will guard the guardians,” aniya.

“Parang ganito, katulad sa AFP, may command center. Lahat ng tao nagdu-duty, nakikita ko sila sa screen… quarter one, sino nag-duty diyan, quarter two, quarter three, quarter four,” dagdag ni Catapang.

“And, of course, pag operate, pati ‘yung inmates may facial recognition… dadaan sila doon sa facial recognition machine then they will be accounted for.”

Base kay Catapang, apat na araw nang naka-duty ang K9 units ay kanilang handlers. Itatalaga umano ang mga ito sa gate four.

“Doon kasi lahat pumapasok ‘yung mga gamit, pagkain, lahat ‘yan. Ko-concentrate muna. Dadaan ‘yan sa K9, dadaan sa inspection through the technology,” paglalahad niya.

Samantala, sinabi ni Catapang na may listahan na sila ng mga tauhan na sangkot sa pagpasok ng mga kontrabando sa Bilibid, sualit hindi pa umano maaaring magbigay ng impormasyon ukol dito.

Magugunitang iprinisenta ng BuCor kamakailan ang kontrabando, kabilang ang mga kutsilyo, baril, cellphone, droga at halos 7,500 lata ng beer. RNT/SA