Catholic church leaders nagpaabot ng mga mungkahi kay PBBM

Catholic church leaders nagpaabot ng mga mungkahi kay PBBM

July 1, 2022 @ 12:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa unang araw ng pagsisimula ng panunungkulan ng bagong administrasyon ang Simbahang Katolika ay nagpaabot naman ng mungkahi kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Iminungkahi ni Caritas Philippines national director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na iprayoridad ng bagong administrasyon ang pagtugon sa laganap na kahirapan na pinalala ng COVID-19 pandemic at sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagdulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na naging sanhi ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pamasahe.

Iginiit ng Obispo ang kahalagahan na tugunan ang patuloy na pagtaas ng poverty incidence sa bansa kung saan batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong December 2021 ay umabot na sa 23.7-percent ang poverty incidence o dagdag na 3.9-milyong Pilipino ang dumaranas ng kahirapan sa unang bahagi ng nakalipas na taon.

Umaasa naman si Bishop Bagaforo na sa pagsisilbing kalihim ng Department of Agriculture ng Pangulong Marcos ay ganap na tutukan nito ang sektor ng agrikultura lalu na ang suliranin sa iligal na pag-aangkat ng mga agricultural products.

Nanawagan din ang Obispo sa bagong administrasyon na huwag ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakda sa ika-5 ng Disyembre 2022 na mayroong direktang epekto sa buhay ng bawat mamamayan.

Umaasa naman si Nueva Segovia Archbishop Marlo Peralta na pagsumikapan ni President Ferdinand Marcos Jr. na itaguyod ang kabutihan ng bawat Pilipino.

Sinabi ni Archbishop Peralta na nawa’y sa tulong ng Panginoon ay magampanan ng administrasyon ni  Marcos Jr. ang tungkuling isulong ang kabutihan ng nakararami.

Tiniyak din niya ang suporta at panalangin sa bagong administrasyon at hiniling kay President Marcos Jr. na huwag biguin ang mayorya ng mga Pilipinong bumoto at naniniwala sa kanyang kakayahan.

Hinamon naman ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang susunod na administrasyon na mas pagtuunan ang pagpapabuti sa sektor ng mga manggagawa.

Inihayag ni Bishop Mangalinao na malaking hamon ang kakaharapin ng administrasyon ni pangulong Marcos upang mapabuti at matulungan ang mga higit na apektado ng pandemya at nararanasang krisis sa ekonomiya ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden