CAVITE 7TH DISTRICT SPECIAL ELECTION

CAVITE 7TH DISTRICT SPECIAL ELECTION

November 19, 2022 @ 11:07 AM 1 week ago


KAMAKAILAN ay inianunsyo na ng aming kababayan sa Indang, Cavite na si Commission on Elections Chairman Atty. George Erwin Garcia ang itinakdang petsa ng Special Election sa buong 7th District of Cavite para sa nabakanteng posisyon na congressman ng ngayon ay Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Sa kasalukuyan, si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang caretaker ng nabakanteng posisyon ni Remulla.

Ang Special Election ay itinakda na ng COMELEC sa February 25, 2023, sa mga bayan ng Amadeo, Indang, Tanza at Trece Martires City.

Matatandaang noong nakaraang halalang Mayo 2022 ay nanalo nang walang kalaban sa si Remulla bilang kinatawan ng ika-7 distrito ng Kabite datapwa’t dalawang linggo pa lamang ang nakakalipas matapos siyang maihalal ng taong bayan ay napili ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maging Kalihim ng DOJ.

Samantala, bulung-bulungan na sa mga umpukan ng tao sa aming lugar na posibleng pumalit sa kanya ay ang anak niyang mala-artista sa kagwapuhan na si Cavite 7th District Board Member Crispin Diego “Ping” Diaz Remulla, na mula rin sa Indang.

Katulad ng karisma sa masa ng kanyang ama at ng kanyang tiyo na si Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla na kilalang si Gov. Pogi, ganoon din ang batang Remulla ay sadyang tinitilian at kinakikiligan ng mga kababaihan at kabadingan sa tuwing makikita at magsasalita sa mga Ugnayan sa Barangay at iba pang proyekto at programa.

Hindi masama at walang problema kung kumandidato BM Ping sapagkat tunay siyang mabait, matalino at masipag na lingkod-bayan bukod sa pagiging nasa kabataan pa rin siya.

Para sa akin, dapat mga kabataan o young adult na talaga ang nanunungkulang mambabatas sapagkat bukod sa sinabi ni Dr. Jose Rizal na “Nasa Kabataan ang Pag-asa ng Bayan”, ang mga kabataan ang punung-puno ng prinsipyo, pananaw at ideyalismo para sa tunay na kaunlaran at kapayapaan ng bayan.

Sila yaong ayaw sa katiwalian at korapsyon.
Kung tatakbo nga bilang Congressman si BM Ping Remulla, sino naman kaya ang hahalili sa kanya? Abangan!