Cayetano, Hontiveros muling ‘nagbangayan’ sa unang regular sesyon ng CA

Cayetano, Hontiveros muling ‘nagbangayan’ sa unang regular sesyon ng CA

September 1, 2022 @ 3:47 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling nagbangayan sina Senador Alan Peter Cayetano at Risa Hontiveros hinggil sa isyu ng human rights at extra-judicial kilings sa ginanap na unang regular sesyon ng Commission on Appointments (CA).

Nagsimula ang argumento ng dalawa nang banggitin ni Cayetano ang mababang bilang ng extra-judicial killings sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino nang magsilbi si dating Senador Leila de Lima bilang kalihimng Department of Justice (DOJ).

“There were 11,000 to 16,000 extra-judicial killings every year. That’s on the record. But what the former senator and Department of Justice Secretary Leila de Lima did, chinange nila yung (they changed the) definition ng (of) extra-judicial to reduce the number of cases,” ayon kay Cayetano.

Sinabi ni Cayetano, dating kalihim ng foreign affairs, na noong panahon naman ni dating Pangulong Duterte, ibinalik ng kampo ni De Lima ang orihinal na depinisyon ng extra-judicial killing upang tumaas ng bilang ng kaso.

“It is our responsibility as a people, pati sa media na maging responsible. Ang problema, may mga grupo sa Pilipinas, wini-weaponize yung human rights at ginagamit to para siraan yung bansa ,” ani Cayetano.

DAhil dito, biglang sumagot si Hontiveros bilang depensa sa dating senador na kasalukuyang nakakulong sanhi ng mga patong-patong na kasong droga na walang ebidensiya at testigo.

Aniya, hindi makatuwiran na akusahan niya si De Lima na nakakulong.

“It is not fair to accuse a person who is not only absent from this hearing, but in jail in the past half decade para akusahan siya na minamasahe niya ang definition of terms o ang mga bilang ,” ayon kay Hontiveros.

Pero, nilinaw ni Cayetano na nagsasabi siya ng facts, at hindi nag-aakusa.

“It is an official act of the secretary and the DOJ to place that definition. Everything I’ve said is on record in the UN Human Rights Commission. It is a formal submission. I’ve said that in the Senate many times. If you are a human rights advocate, dapat nasa top of your head yung mga numbers na ito, di ba? I did not bring up the human rights here. It is the good senator who brought it up,” ani Cayetano.

Nagsimula ang argumento ng dalawang senador sa ginanap na pagdinig ng CA committee on Foreign Affairs sa kumpirmasyon ni Ambassador Antonio Manuel Lagdameo bilang permanent representative of the Philippines sa United Nations sa New York.

Nauna nang nagsasagutan sina Cayetano at Hontiveros sa Rules hinggil sa paghalal ng miyembro at opisyal ng CA.

Kinuwestiyon ni Hontiveros ang pagkakahalal ni Cayetano bilang minority leader ng CA dahil hindi naman ito galing sa minority bloc ng Senado. Ernie Reyes