Cayetano, tinawag na ‘political snake’ ni Trillanes sa WPS issue

Cayetano, tinawag na ‘political snake’ ni Trillanes sa WPS issue

August 5, 2018 @ 12:30 PM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Tinawag na “political snake” ni Senador Antonio Trillanes IV si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pagkabigo nitong ipaglaban sa soberenya ng bansa laban sa pagkubkob ng China sa ilang malalapit na isla na sakop ng bansa sa West Philippine Sea.

Sa pahayag, sinabi ni Trillanes na taliwas ngayon ang posisyon ni Cayetano sa pangako nito noong panahon ng halalan na ipaglalaban ang West Philippine Sea (WPS) laban sa agresyon ng China sa Panatag Shoal na sakop ng lalawigan ng Zambales.

“Bakit ayaw mong ipaglaban ang ating soberenya sa pamamaraan nang iyong pangako sa panahon ng kampanya,” ayon kay Trillanes.

Sinabi pa ni Trillanes na napatunayan na talagang political snake si Cayetano dahil noong kasagsagan ng Panatag Shoal standoff, hindi ito kumikibo o nagbibigay ng pahayag, bagkus, kinampihan pa siya noong nag-back channel siya sa nakaraang administrasyon.

“Nangyari ang Panatag standoff noong 2012 noong panahon na tapat pa si Cayetano bilang kaalyado ng Aquino administration. Kaya obviously, wala siyang nakitang mali kung paano resolbahan ito ni PNoy noon. Sa aming palitan ng debate kay (dating Senador Juan Ponce)  Enrile, ipinagtanggol pa ako ni Cayetano noon dahil siya ang minority leader noon,” ayon kay Trillanes.

Katunayan, sinabi pa ni Trillanes na ipinaliwanag pa niya kay Cayetano at ilang senador kung ano ang punto ng kanyang backchannel negotiations.

“Sa ganitong bagay, mayroon akong interview sa media ng kaliwa’t kanan hinggil dito, pero walang nakitang mali si Cayetano noon,” giit niya.

Ipinaliwanag pa ni Trillanes na  ipinadala siya ni dating Pangulong Aquino sa China upang mabawasan ang tensiyon sa Panatag Shoal na pinamumugaran ng aabot sa 80 hanggang 100 barko ng China.

Dahil sa negosasyon, humupa ang tensiyon ngunit nag-iwan ang China ng tatlong malalaking barko na siyang naghudyat kay Pangulong Aquino na magsampa ng reklamo sa International Arbitration na ating ipinanalo, ayon kay Trillanes.

“Ito ang mga pangyayari hinggil sa naturang isyu at hindi ako papayag baluktutin ni Cayetano. Kaya ang tanong ko:   “Why didn’t you follow through on our historic victory at the arbitration court?,” ayon kay Trillanes. Ernie Reyes