CBCP, dismayado kay Pacquiao dahil sa death penalty

CBCP, dismayado kay Pacquiao dahil sa death penalty

August 6, 2018 @ 1:52 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Dismayado ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pagsusulong ni Senator Manny Pacquiao sa death penalty sa bansa kasunod ng inilabas na paglilinaw ni Pope Francis.

“Consistent naman siya, nakakalungkot lang talaga na sasabayan niya (Pacquiao) ang pronouncement ng Pope ng sarili niyang interpretation ng Bible,” ayon kay Rodolfo Diamante, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care.

Una nang nagsumite ang mambabatas ng tatlong panukala para sa pagbuhay ng ‘death penalty’ sa bansa na limitahan ang parusa laban lamang sa mga karumal-dumal na krimen.

Paliwanag pa ni Diamante hindi madali ang pag-aaral ng bibliya at ang paglalapat ng kahulugan sa mga teksto na nasasaad dito.

Hamon ngayon sa mga katoliko na higit pang paigtingin ang pagbibigay ng katesismo at puspusang pangangaral para sa pagbibigay ng kaalaman sa bawat mananamapalataya.

Ayon sa inilabas na dokumento hindi lamang mga inosente kundi maging kriminal ay nagtataglay ng karapatang pantao at dignidad na malalabag sa paraan ng pagpapataw ng parusang kamatayan.

Taong 2006 nang tanggalin ang death penalty law sa Pilipinas habang may 141 bansa na rin ang hindi nagpapatupad ng ‘capital punishment’. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)